Ipinahayag ni Department of Health (DOH) Secretary Dr. Teodoro "Ted" Herbosa nitong Lunes, Hunyo 19, na kukunin bilang karagdagang workforce sa healthcare system ang mga nursing graduate na nakakuha ng 70% hanggang 74% rating sa Nursing Board Exam.

"We will tap nurses who are board eligible. So, nakapasa, so hindi lahat ah. Siguro yung nakapasa...yung lumagpak na 70 to 74 ang marka," ani Herbosa.

"Agree na si Secretary Laguesma sa idea ko eh at kakausapin niya raw ang PRC para mabigyan ng temporary license itong kategorya ng nurses na 'to," dagdag niya.

Gayunpaman, bibigyan lamang umano ng limitadong mga gawain sa government health facilities ang mga hindi lisensyadong nurse upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasyente.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sasailalim din sila sa accreditation at verification, na hindi pa binigyan ng iba pang detalye ng DOH head.

Bibigyan naman umano ng isang tiyak na timeframe hanggang sa maaari silang muling kumuha at makapasa sa board exam.

Sinabi ni Herbosa na ang inisyatiba na ito ay magiging kapaki-pakinabang sa healthcare system ng bansa, at mahalaga umanong mamuhunan sa human capital development dahil nasa ilalim ng service industry ang pangangalaga sa kalusugan.

"The core of any healthcare system is nurses kaya pinapirate ang mga nurses natin sa ibang bansa kasi sila nag eexpand din sila ng services," aniya.

Hindi pa inihahayag ni Herbosa ang timeline para sa pagpapatupad nito at iba pang detalye hinggil sa inisyatiba.

Pinaalalahanan naman ng DOH secretary ang mga nurse na ipasa pa rin ang board dahil mayroon lamang daw 4,500 na bakanteng plantilla items o permanenteng nursing posts na sana ay mapunan umano ng mga hindi lisensyadong nurse.

Kapag napunan na ng DOH ang mga bakanteng ito, isasara na raw ang pagtanggap ng mga nurse na hindi board passers.

Luisa Cabato