Sa ika-162 anibersaryo ng kapanganakan ng isa sa mga dakilang bayani ng Pilipinas na si Dr. Jose Rizal, para mas makilala at matuto ng mga aral tungkol sa kaniya ay mangyaring balikan ang karanasan ng kaniyang pagkabata kung saan nakaranas umano siya ng insekyuridad sa gitna ng kaniyang pagiging maliit at pagkakaroon ng mahinang katawan.

Sa naging panayam umano ng kilalang historyador na si Ambeth Ocampo sa apo ni Narcisa Rizal na si Asuncion Lopez Bantug na iniulat sa kaniyang aklat na ‘Rizal Without the Overcoat’, “very consious” daw si Rizal sa kaniyang anyo noong bata pa siya, dahil malaki raw ang kaniyang ulo sa kaniyang mahinang katawan.

Ayon din sa historyador na si Ante Radaic sa aklat nitong 'Rizal from Within', inilarawan umano nina Maria at Narcisa si Rizal bilang “isang napakaliit na bata.” Nang magsisimula siyang lumakad noong bata, natutumba raw ito dahil mas mabigat pa raw ang kaniyang ulo sa kaniyang mahinang katawan.

Ayon sa tala nina Ocampo at Radaic, isang araw, nakita umano si Rizal ng kaniyang mga kapatid sa kanilang bahay kubo sa likod ng kanilang bahay sa Calamba na humuhubog ng isang clay statue ng imahen ni Napoleon, na maliit at pandak tulad niya. Doon ay inasar daw siya ng kaniyang mga ate na kapareho niya si Napoleon. Dahil dito, habang umiiyak, sinabi raw ni Rizal sa kaniyang mga kapatid na pwede nila siyang tuksuhin at asarin, ngunit balang-araw, gagawa ang mga tao ng monumento ng kaniyang imahen.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa “Memorias de un estudiente” naman umano ni Rizal na isinulat niya bago siya tumungtong ng 20-anyos, nakalagay dito ang kaniyang mga ikinuwento na may kinalaman sa kaniyang pagiging maliit, tulad na lamang daw ng kuwento niya na natalo niya sa isang laban ang anak ng kaniyang guro na mas malaki at mas matanda sa kaniya.

“I gained fame among my classmates, possibly because of my smallness,” saad ni Rizal sa kaniyang “Memorias de un estudiente” na inilathala ni Radaic.

Isinulat din umano ni Rizal doon na hindi siya lumulusong sa ilog dahil masyado itong malalim para sa kaniyang laki. Kahit na nasa 13-anyos na raw si Rizal at mag-14-anyos na ay napakaliit pa rin daw niya.

Samantala, isinalaysay rin daw ni Bantug sa aklat ni Radaic na ayaw ng kuya niyang si Paciano na ipasok si Rizal bilang boarder sa Ateneo dahil siya ay mahiyain at maliit para sa kaniyang edad. Ipinabatid din umano ni Father Pastells ng Ateneo na nabigong mahirang si Rizal bilang pangulo ng college sodality dahil sa maliit niyang anyo.

May mga pagkakataon naman daw na pinipilit ni Rizal na sumali sa tanyag na laro noon na “giants”, ngunit masyado raw siyang maliit at mahina para laruin ito. Dahil dito, pinilit daw ng batang Rizal ang kaniyang ama na tulungan siyang lumakas at lumaki.

Dahil sa dedikasyon ni Rizal na maging malakas, tinulungan daw siya ng kaniyang Uncle Manuel. Kaya naman, malayo sa kaniyang “comfort zone” na mga libro, nag-ensayo raw ang batang Rizal na lumundag, tumakbo at iba pang pampalakasang aktibidad hanggang sa naging mas mabilis na ang kaniyang paggalaw at mas malakas.

Mula pa lamang sa kaniyang kabataan, pinatunayan ng tinaguriang "Pride of the Malay race" na hindi hadlang ang mga pagsubok para hindi mapagtagumpayan ang hinahangad na pag-unlad.

Mula sa karanasan ni Rizal mula sa kaniyang mahinang pisikal na katawan, mayroon nang nais ikintal at ituro sa atin ang dakilang bayani. Isa na rito ang sinabi ni Radaic na pinatunayan ni Rizal sa puntong ito ng kaniyang buhay: “The will [should win] over the flesh.”

Maligayang kaarawan, Jose Rizal!