Mahalaga ang araw na ito sa ating bansa dahil ito ang ika-162 anibersaryo ng kapanganakan ng isa sa mga kinikilalang bayani ng Pilipinas na si Jose Rizal. Kaya naman, sa araw na ito ng kaniyang pagkasilang, ating mas kilalanin kung paano nga ba ang gawi at karanasan ng ating dakilang bayani noong siya ay bata pa.

Narito ang limang detalye tungkol sa batang Rizal na maaaring maka-relate din tayo, o di kaya naman ay matuto:

1. Tahimik at mahiyain na bata. 

Ayon sa kaniyang mga kapatid, tahimik at mahiyain na bata si Rizal. Bagama’t hindi palaimik, nakikita umano sa pamamagitan ng panlalaki ng kaniyang mga mata kung natutuwa siya o nahuhumaling sa isang bagay.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

2. Mahilig sa kakaiba at nakakatakot na mga kuwento.

Noong bata pa lamang daw si Rizal, matapos nilang kumain at magdasal sa gabi, nagpupunta na siya sa kanilang asotea o balkonahe kung saan matatanaw ang buwan para magpakuwento sa kaniyang yaya ng mga tungkol sa mga kakaibang bagay katulad ng mga nakalibing na kayamanan at kalansay, mga aswang, nuno, punong namumunga ng mga diyamante, at mga taong nakatira sa buwan.

3. Batang mahilig sa sining.

Mahilig daw magpinta ang batang Rizal ng mga hayop, ibon at bulaklak. Nang mga panahong iyon, nagpipinta raw siya gamit lamang ang atsuwete, uling, at iba pang katas ng halaman. 

Bukod sa pagpipinta, mahilig din siyang humubog ng mga pigurin at mga tanyag na taong nababasa niya sa kanilang mga aklat.

4. Isang batang may pribilehiyo

Ayon kay Leon Maria Guerrero sa kaniyang aklat na “The First Filipino” at inilathala rin sa aklat ni Nick Joaquin na “A Question of Heroes,” maituturing si Rizal na isang “privileged” na bata. 

Isa raw ang kaniyang ama na si Francisco Mercado sa pinakamayayaman sa kanilang lugar. Mayroon silang bahay na bato, isang silid-aklatan na may mahigit isang libong libro, at nakakapag-aral sina Rizal at mga kapatid sa Maynila. Katulad sa nabanggit sa itaas, may yaya raw si Rizal kahit pa may lima siyang ate na maaari umanong mag-alaga sa kaniya. Bago makapag-aral sa mga pribadong eskwelahan ay nagkaroon din si Rizal noong bata ng private tutor.

5. Batang maliit, may malaking ulo, at mahinang katawan.

Ayon kay Ante Radaic sa aklat nitong “Rizal from Within”, inilarawan umano nina Maria at Narcisa si Rizal bilang “isang napakaliit na bata”. Nang magsisimula siyang lumakad noong bata, natutumba raw ito dahil mas mabigat pa raw ang kaniyang ulo sa kaniyang mahinang katawan. Kahit na nasa 13-anyos na raw si Rizal ay maliit pa rin siya sa kaniyang edad. 

May mga pagkakataon daw na pinipilit ni Rizal na sumali sa tanyag na laro noon na “giants”, ngunit masyado raw siyang maliit at mahina para laruin ito. Dahil dito, pinilit daw ng batang Rizal ang kaniyang ama na tulungan siyang lumakas at lumaki. Dahil sa dedikasyon ni Rizal na maging malakas, tinulungan siya ng kaniyang Uncle Manuel na mag-ensayo hanggang sa naging mas mabilis na ang kaniyang paggalaw at mas malakas.

MAKI-BALITA: ‘Ngunit hindi hadlang’: Ang naging insekyuridad ng batang Jose Rizal

Mula pagkabata pa lamang, marami na tayong mahahalagang bagay na malalaman sa ating bayaning si Rizal. Ngunit bukod sa “trivia”, mahalagang ikonekta ang naging karanasan ni Rizal noong pagkabata patungo sa mga araw kung saan siya nagpamalas ng katagumpayan at kabayanihan.

Mula rito, maaaring ituro sa atin ni Rizal na hindi hadlang ang kahinaan ng isang tao upang makamit ang katagumpayan; hindi dapat takpan ng pribilehiyo ng isang tao ang kaniyang pagnanais na ialay ang sarili sa bayan.