'Walang basaan sa Wattah Wattah festival' -- San Juan City mayor
Hindi na babasain ang mga motorista, pasahero at ibang naglalakad sa kalsada sa idaraos na Wattah Wattah festival sa San Juan City sa Hunyo 24.
Ito ang tiniyak ni Mayor Francis Zamora at idinahilan ang banta ng El Niño phenomenon sa bansa.
Aniya, isinusulong na ngayon ng pamahalaang lungsod ang pagtitipid ng tubig at recycling nito.
Ipaparada na lamang aniya ang kanilang patron na si San Juan Bautista kung saan magkakaroon pagbabasbas.
Katwiran din ng alkalde, ginawa na nila ito sa gitna ng pandemya ng coronavirus disease 2019 noong 2020 at 2021.
Kamakailan, nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na 80 porsyento ang posibilidad na magkaroon ng El Niño na inaasahang mag-uumpisa ngayong buwan at tatagal hanggang unang bahagi ng 2024.