Nakabasag ng dalawang world records ang naalis na kidney stone sa katawan ng 62-anyos na retired soldier sa Sri Lanka, kung saan mas malaki pa ito kaysa sa aktwal niyang kidney, ayon sa Guinness World Records (GWR).

Sa ulat ng GWR, ang kidney stone na naalis sa right kidney ng retired soldier na si Canistus Coonghe ay may habang 13.37 cm (5.26 in) at lapad na 10.55 cm (4.15 in), kaya’t idineklara ito bilang “world’s largest kidney stone.”

Base sa sukat, makikitang mas malaki talaga umano ang kidney stone ni Coonghe kaysa sa kaniyang aktwal na kidney na may bipolar length na 11.8cm (4.6 in).

Nalampasan umano ng naturang kidney stone ang dating record holder na si Vilas Ghuge mula sa India na nagkaroon ng kidney stone na may laking 13 cm (5.11 in).

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Samantala, ayon pa sa GWR, may bigat ang kidney stone nito Coonghe na 800 g (1.76 lb), dahilan kaya nasungkit din nito ang titulo para sa “world’s heaviest kidney stone.”

Si Wazir Muhammad naman umano mula sa Pakistan na nagkaroon ng kidney stone na may bigat na 620 g (1.36 lb) noong 2008 ang dating record holder para sa “world’s heaviest kidney stone.”

“Coonghe underwent a procedure called open pyelolithotomy, whereby the stone was surgically removed through an incision made in the pelvis of his kidney. The operation was performed by Dr Kugadas Sutharshan on 1 June,” anang GWR.

Sa kabutihang palad, ayon sa mga doktor, sa kabila ng blockage ay gumagana pa rin nang normal ang kidney ni Coonghe.

“His liver, gallbladder, pancreas and spleen were described by Dr Sutharshan as “normal” in size, although Coonghe’s prostate was enlarged,” saad ng GWR.

Sa ngayon ay maayos na umanong nagpapagaling si Coonghe mula sa operasyon.