Nasa 132 pasahero at tripulante ang nailigtas matapos masunog ang isang pampasaherong barko sa karagatang bahagi ng Panglao, Bohol nitong Linggo ng madaling araw.

Sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), kabilang sa mga nailigtas ang 60 tripulante at 72 pasahero ng MV Esperanza Star na sumiklab dakong 3:55 ng madaling araw.

Sa paunang imbestigasyon, patungo sana ang barko sa Port of Tagbilaran sa Bohol mula sa Port of Lazi sa Siquijor nang biglang sumiklab ang bahagi ng engine room nito.

Probinsya

Lalaki, nanaksak matapos maingayan sa motorsiklo noong Bagong Taon

Kaagad namang nagresponde sa lugar ang mga tauhan ng BRP Malamawi, Coast Guard Sub-Station Tagbilaran, at Coast Guard Special Operations Unit-Tagbilaran at inapula ang sunog.

Ayon kay Bohol provincial disaster risk reduction and management officer (PDRRMO) Anthony Damalerio, ang nasabing barko ay pag-aari ng Kho Shipping Lines na naka-base sa Cataingan, Masbate.

Nakilala naman ang kapitan ng barko na si Desiderio Labiste Jr. 

"All are accounted for. They were brought to the terminal building awaiting negotiations with the shipping company. There were no major casualties among the 72 passengers and 60 crew," ani Damalerio sa isang radio interview.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng insidente.

Martin Sadongdong