“Salute po sa lahat ng mga tatay na tumitindig para ang pamilya ay mabuhay.”

Bilang pagdiriwang ng Father’s Day, umukit ng isang leaf art ang artist na si Joneil Severino, 24, mula sa Gandara, Samar, tampok ang nakadaupang-palad niyang si Tatay Pablo, isang amang pursigido umanong naglalako ng ice cream para mabuhay at mapag-aral ang kaniyang mga anak.

Sa panayam ng Balita, ibinahagi ni Severino na naglalakad sila ng kaniyang kaibigan sa parke nang makita niya si Tatay Pablo.

“Maghapon po siyang naglalako sa buong park at habang bumibili kami sa paninda niya, na-touch po ako sa story niya na dahil sa kaniyang paglalako, doon sila nabubuhay ng kaniyang pamilya at anak. At ‘yun din daw ‘yung rason bakit ‘yung mga anak niya ay nag-aaral ngayon,” kuwento ni Severino.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

“Naisipan kong gawan [ng leaf art] kasi isa lang siya sa mga masisipag na tatay na nakita at nakausap namin,” saad pa niya.

Nagpaalam daw si Severino kung pwede niyang gawan ng leaf art si Tatay Pablo at nang pumayag ito ay kinuhanan niya ng larawan bilang model sa kaniyang gagawing obra. Isang oras naman daw niya itong ginawa gamit ang dahon ng kalamansi.

Kinubakasan, bumalik umano siya sa pwesto kung saan nagtitinda ng ice cream si Tatay Pablo para iabot ang kaniyang munting regalo para sa Father’s Day.

Masaya naman daw si Severino nang makitang natuwa rito si Tatay Pablo at nagpasalamat ssa kaniyang ginawa.

“Salute po sa lahat ng mga tatay na tumitindig para ang pamilya ay mabuhay,” ani Severino.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!