Batangas mayor, 2 utol huli sa illegal possession of firearms
BATANGAS - Dinampot ng pulisya ang alkalde ng Mabini at dalawang kapatid nito matapos mahulihan ng mga baril na walang lisensya sa ikinasang pagsalakay sa kani-kanilang bahay nitong Sabado ng madaling araw.
Ang operasyon ay isinagawa ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region sa bahay ng magkakapatid nitong Hunyo 17, sa bisa ng search warrant na inilabas ni Antipolo City Regional Trial Court Branch 74 Executive Judge Mary Josephine Lazaro.
Kinilala ng CIDG-NCR ang mga suspek na sina Nilo Villanueva, mayor ng Mabini; Bayani, kapitan ng barangay at pangulo ng Association of Barangay Chairman (ABC), at Oliver Villanueva, 46, dating pulis.
Unang sinalakay ng pulisya ang bahay ni Oliver sa Sitio Pook, Barangay Pulong Niogan dakong
4:20 ng madaling araw, kung saan nasamsam ang isang caliber .22 pistol, caliber .45 pistol, dalawang magazine ng caliber 5.56mm rifle, tatlong magazine ng caliber .45 pistol, isang granada, 16 rolyo ng ng mga bala ng caliber 5.56mm rifle, at 55 rolyo ng bala ng caliber .45 pistol.
Dakong 4:30 ng madaling araw, sinalakay naman ang bahay ng alkalde sa Sitio Silangan, Barangay Santo Tomas at nasamsam ang isang bag na naglalaman ng pinaghihinalaang explosive device.
Ni-raid din ang bahay ni Bayani sa Sitio Silangan Brgy. Sto. Tomas dakong 5:25 ng madaling araw at nadiskubre ang isang Bushmaster caliber 5.56mm rifle, isang magazine ng caliber 5.56mm rifle, 10 rolyo ng bala ng caliber 5.56mm rifle, at MK2 hand fragmentation grenade.
Inihahanda na ng pulisya ang mga kaso laban sa magkakapatid na nasa kustodiya na ng CIDG sa Camp Crame.