Tuwing ikatlong Linggo ng Hunyo, ipinagdiriwang sa iba’t ibang mga bansa, tulad sa Pilipinas, ang Father’s Day o ang Araw ng mga Ama. Ngunit ano nga ba ang pinagmulan ng okasyong ito?

Halina’t ating BaliTanawin ang kuwento sa likod ng pagsisimula ng Father’s Day sa pamamagitan ng pagkilala kay Sonora Smart Dodd, isang babaeng pinalaki ng single father at Civil War veteran niyang ama na si William Jackson Smart.

Sa ulat ng History.com, ipinanganak si Sonora taong 1882 sa Spokane, Washington, United States. Isa siya sa 14 na anak ng Civil War veteran na si William. 

Dalawang beses umanong nabalo si William kaya’t mag-isa niyang itinaguyod ang kaniyang mga anak. Dahil dito, labis ang pagmamahal ni Sonora sa kaniyang ama na gagawin umano ang lahat para sa kanila na mga anak niya.

BALITAnaw

#BALITAnaw: Mga sikat na personalidad na sumakabilang-buhay ngayong 2024

Ayon pa sa ulat, taong 1909 nang dumalo si Sonora sa isang Mother’s Day service sa kanilang simbahan.

MAKI-BALITA: Kilalanin si ‘Anna Jarvis’ at kung paano nagsimula ang Mother’s Day celebration

Sa kaniyang pagdalo sa nasabing Mother’s Day service ay naisip daw ni Sonora na kung may araw ng pagkilala para sa mga ina, bakit wala ang para sa mga ama?

Noong 1910, naglahad si Sonora ng petisyon sa Spokane Ministerial Alliance para kilalanin ang katapangan at debosyon ng lahat ng mga ama tuwing Hunyo 5, ang kaarawan ng kaniyang amang si William. Nagustuhan naman daw ng local clergy ang ideya ng isang espesyal na Father’s Day service, ngunit ginawa muna ang selebrasyon noong Hunyo 19, ang ikatlong Linggo ng Hunyo.

Sa naturang unang Father's Day noong 1910, ang naging seremonya ng simbahan sa buong Spokane ay inialay umano sa mga ama. Naglabas din ng proklamasyon ang kanilang alkalde at gobernador ng Washington hinggil sa pagdiriwang, at doon na rin umano naisip ni Sonora na ipaglaban ang Father’s Day para maging national holiday.

Makalipas ang mga taon, nagsimula na rin umanong suportahan ng kanilang mga kongresista ang petisyon ni Sonora. Hanggang sa noong 1916, nagdiwang si Pangulong Woodrow Wilson ng Father’s Day sa Spokane nang bumisita siya sa Washington. Ang naturang pagdiriwang umano ang isa sa mga huling naranasan ng ama ni Sonora dahil namatay ito taong 1919.

Bukod sa pagiging recognized founder umano ng Father’s Day, si Sonora ay isa ring magaling na artist, makata, may-akda ng mga librong pambata, funeral home director, at founding member ng halos lahat ng civic organizations sa Spokane. Sa kabila nito, hindi pa rin daw natigil ang kaniyang determinasyong bigyan ang mga ama ng pagkilalang nararapat sa kanila.

Hanggang sa noong 1972, anim na taon bago pumanaw si Sonora noong 1978, nilagdaan umano ni Pangulong Richard Nixon ang isang resolusyon ng Kongreso na nagdedeklara sa ikatlong Linggo ng Hunyo bilang Araw ng mga Ama o Father’s Day.

Hanggang ngayon ay ipinagdiriwang pa rin ang Father’s Day maging sa iba’t ibang mga bansa bilang pagbibigay-pugay sa mga ama na gagawin ang lahat para mapabuti ang kanilang mga minamahal na anak.

Happy Father’s Day!