Isang rider ang patay nang bumangga ang kanyang minamanehong motorsiklo sa isang truck na huminto sa stop light sa Tondo, Manila nitong Huwebes ng gabi.
Dead on the spot ang biktimang si Vincent Hernandez, 41, at residente ng Josefina St., 3rd Avenue, Grace Park, Caloocan City dahil sa matinding pinsala sa ulo habang nasa kustodiya na ng mga pulis ang driver ng truck na si Adan Badal, 64, ng Binondo, Manila.
Batay sa ulat ng Vehicular Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), naganap ang insidente dakong alas-9:52 ng gabi sa northbound lane ng Abad Santos Avenue, malapit sa kanto ng Tayuman St., sa Tondo.
Nauna rito, binabagtas ng biktima, na sakay ng isang Yamaha Mio i125 na may plate number 853 QGT, ang northbound lane ng Abad Santos Avenue, nang pagsapit sa malapit sa kanto ng Tayuman St., ay bigla na lang nitong mabangga ang Izusu cargo truck, na may plakang PUP 320, na minamaneho ni Badal, at noon ay nakatigil dahil sa red traffic light.
Dahil sa tindi ng impact ng pagkakabangga ay sumemplang ang motorsiklo at nahulog ang biktima sa sementadong kalsada at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo.
Kaagad naman umanong dumating ang rescue team ngunit patay na ang biktima.