Isang 16-anyos na dalaga sa India ang nakasungkit ng Guinness World Records (GWR) matapos siyang sumayaw nang halos dire-diretso sa loob ng limang araw.

Sa ulat ng GWR, iginawad sa estudyanteng si Srushti Sudhir Jagtap ang titulong “longest dance marathon by an individual” dahil sa kaniyang naging pagsayaw sa loob ng 127 oras.

Para mapagtagumpayan ang record, 15 buwan daw siyang sinanay ng kaniyang lolo sa pagsayaw ng Yoga Nidra. Dalawang beses din daw siyang nag-perform ng 126-hour dance marathons bilang bahagi ng kaniyang pagsasanay.

Nangyari naman umano ang pagsayaw ni Srushti mula Mayo 29 hanggang Hunyo 3 sa kanilang college auditorium habang nanunuod ang kaniyang pamilya at mga tagasuporta.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“There were moments of her being too tired, but her parents were by her side all the time, spraying her face with water to keep her fresh,” ani GWR Official Adjudicator Swapnil Dangarikar. “Very impressive performance overall.”

Upang makamit ang rekord na ito, dapat sayawin ni Srushti ang isang kilalang dance style sa isang makatwirang pamantayan, at dapat din gumagalaw ang kaniyang mga paa nang naaayon sa musika sa lahat ng oras.

Ginawa naman umano ni Srushti ang istilo ng sayaw na Kathak, isa sa walong pangunahing anyo ng classical dance ng India.

“As per our guidelines for ‘longest marathon’ records, the participant is permitted a five-minute rest break for every continuous hour of activity. These rest breaks can be accumulated if not taken. They were the only times Srushti could sleep or use the bathroom during the attempt,” anang GWR.

Halos tuwing hatinggabi naman daw nagpapahinga si Srushti, kung saan ginamit niya ang kaniyang oras para matulog o makipag-usap sa kaniyang mga magulang para sa refreshment ng kaniyang utak.

Hanggang sa tagumpay nga siyang nakapagsayaw nang limang araw at nasungkit ang world record.

Ayon umano kay Srushti, nagpasya siyang basagin ang naturang world record dahil pangarap niyang katawanin ang India sa pamamagitan ng sayaw.

“I feel proud that I could give this great achievement to our country,” ani Srushti sa ulat ng GWR.

Dati umanong hawak ng Nepalese dancer na si Bandana Nepal ang nasabing world record matapos siyang magsayaw nang 126 na oras noong 2018.