Makatatanggap ang mga pamilyang apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon sa Albay ng bigas at iba pang food donations mula sa pamahalaan ng China, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Biyernes, Hunyo 16.

Nakatanggap umano si DSWD Secretary REX Gatchalian ng first batch ng rice and food donations mula kina Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian at Political Commissar of Dalian Naval Academy, Rear Admiral Su Yinsheng nitong Huwebes, Hunyo 15.

“On behalf of the Republic of the Philippines and the Department of Social Welfare and Development, we would like to thank you for the generosity,” pahayag ni Gatchalian.

Ipinadala umano ang unang batch ng mga donasyon, na binubuo ng 502 bags ng 25-kilogram na bigas at 100 bags ng 12-kilogram na bigas, sa pamamagitan ng Chinese People's Liberation Army (PLA) Navy Training Vessel Qi Jiguang, na kasalukuyang nakadaong sa Pier 15 sa South Harbor sa Maynila.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kasama rin sa shipment, ayon sa mga awtoridad ng PRC, ang 20 kahon ng fast noodles, 20 kahon ng mga biskwit at 50 kahon ng harina.

Magbibigay din umano ang PRC government ng 3,600 sako ng 25-kilogram na bigas. Makukumpleto nito ang 4,202 bags o 103,750 kilo ng rice donations at iba pang pagkain na nagkakahalaga ng P4 milyon.

Siniguro naman ng DSWD chief sa mga opisyal ng PRC na makakarating ang mga donasyon sa mga benepisyaryo, partikular sa mga pamilyang apektado ng Mayon sa iba't ibang evacuation centers sa lalawigan ng Albay.

Ayon sa Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO), may kabuuang 4,286 na pamilya o 15,241 indibidwal ang sapilitang inilikas mula nang itaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang alert status ng bulkan sa Alert Level 3.

MAKI-BALITA: Bulkang Mayon, itinaas sa Alert Level 3

Nananatili umano ang mga apektadong pamilya sa mga evacuation center na kinabibilangan ng 14 pampublikong paaralan, 10 evacuation centers na pag-aari ng lokal na pamahalaan, at iba pang mga gusali na ginawang temporary shelters sa mga Ligao, Tabaco, Sto. Domingo, Malilipot, Guinobatan, Camalig at Daraga.