Kinilala ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang mga kontribusyon at sakripisyo ng overseas Filipino worker (OFWs) sa Singapore para mabigyan ng mas magandang buhay ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas.

Tinapos ni Duterte ang kaniyang dalawang araw na pagbisita sa Singapore sa pamamagitan ng pakikipagpulong sa komunidad ng mga Pilipino doon pagkatapos niyang dumalo sa mga aktibidad bilang bahagi ng kaniyang mga tungkulin bilang pangulo ng Southeast Asian Ministers of Education Organization (SEAMEO).

Ipinahayag ni Duterte ang kaniyang paghanga sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa, at binanggit ang kanilang katapangan para suportahan ang kanilang mga pamilya.

“Maraming salamat po sa inyong lahat sa pagtaas ninyo ng bandera ng Pilipinas dito sa Singapore,” ani Duterte nitong Miyerkules, Hunyo 14.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“As your Vice President, kami po ay nagpapasalamat sa inyo for your hard work, passion, and your dedication, and most especially for helping your families back in the Philippines,” dagdag niya.

Sa kaniyang talumpati, ibinahagi din ni Duterte kung paano hinangaan nina Pangulong Halimah Yacob at Prime Minister Lee Hsien Loong ang kalidad ng trabaho ng mga OFW.

Hiwalay na nakipagpulong ang bise presidente sa dalawang opisyal bago siya pumunta sa all-Filipino gathering.

“Sinabi nila that the Filipinos have the touch that is why they truly appreciate their help and their work here in Singapore,” saad ni Duterte.

Sa kanilang pagpupulong, pinasalamatan din ni Duterte ang Filipino community sa kanila umanong naging pagsuporta sa kaniyang kandidatura noong nakaraang taon na halalan.

“Thank you for the honor you have given me to serve as Vice President of our country. It is not given to everyone pero ibinigay ninyo sa akin and we all made history in the last election sa tulong ninyong lahat,” ani Duterte.

Nagtanghal naman ang Filipino rapper na si Andrew E sa event na ginanap sa Orchard Hotel. Isa siya sa mga celebrity na nag-endorso sa vice presidential bid ni Duterte noong May 2022 polls.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Duterte sa mga Pilipino sa Singapore sa kanilang suporta sa eight-point socio economic agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at sa administrasyon ng kaniyang ama na si dating pangulong Rodrigo Duterte.

Bilang kalihim ng Department of Education (DepEd), nanawagan din si Duterte sa mga OFW na itanim ang halaga ng edukasyon sa kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.

“Dapat po ulit-ulitin nating ipa-intindi sa ating mga anak, mga pamangkin, mga kapatid na kailangan nila magtapos ng kanilang pag-aaral dahil yun ‘yung magpapabago sa kanilang pamilya at sa kanilang personal na buhay,” saad ni Duterte.

Raymund Antonio