Namahagi ng 1,000 food packs ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sa pangunguna ng chairman nito na si Junie Cua kasama sina PCSO Director Jennifer Liongson-Guevara at Director Janet de Leon Mercado, sa mga residente ng Parañaque City niyong Huwebes, Hunyo 15 sa Parañaque Sports Complex.

Sa kalatas na inilabas ng ahensya sa kanilang Facebook page, binanggit ni Cua na ang ipinamahaging tulong ay mula sa kita ng lotto at STL. 

"Ang PCSO ang nagiisang ahensiya ng Pamahalaan na bukod tanging binigyan ng mandato na tumulong sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pangangalap ng pondo mula sa mga legal na palaro ng ahensiya gaya ng lotto at STL kaya hinihikayat ko kayong lahat na suportahan nyo ang mga palaro ng PCSO," aniya.

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

Masaya namang tinanggap ng mga residente ang ayudang kaloob ng PCSO. Sinabi ni Mayor Eric Olivarez na mapalad ang Parañaque.

"Mapalad ang Paranaque dahil hindi tayo pinababayaan ng PCSO maging sa mga kalamidad gaya ng sunog, bagyo na palaging nandiyan para tayo ay tulungan. Maraming salamat po sa dala nyong ayuda para sa aming lungsod," aniya sa kaniyang talumpati.

Samantala, nakatanggap ng tig-₱25,000 Educational Assistance (EA) ang apat na estudyante ng lungsod.

Namahagi rin ang PCSO ng 300 piraso ng libreng lotto tickets sa pangunguna ng mga staff ng Product and Standard Development Department (PSDD) ng ahensya.