Nagtalaga na si Manila Mayor Honey Lacuna ng Goodwill Ambassadress ng lungsod sa People’s Republic of China (PRC).

Mismong si Lacuna ang nag-anunsiyo nitong Huwebes ng appointment ni Chang Lai Fong, na siyang founding President ng Philippine Qipao Charity Association, Inc., sa nasabing posisyon.

Ayon kay Lacuna, ang designasyon ni Chang ay nilagdaan niya mismo bilang alkalde, at attested naman ni City Administrator Bernie Ang.

Layunin aniya nitong itaguyod, isulong at i-coordinate ang mutual cooperation, pagtutulungan at partnership sa pagitan ng kabisera at iba't ibang lungsod, lalawigan at rehiyon ng People's Republic of China.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Dagdag pa ng alkalde, umaasa rin siya na si Chang ay tutulong upang makapanghikayat na makapagtatag ng sisterhood o twinning agreement/relationship para sa nasabing adhika.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni Ang na si Chang ay matagal ng nagsasagawa ng philanthropic works and activities para sa Maynila sa nakalipas na maraming taon.

Aniya, ang designasyon ay alinsunod sa Article II, Section 20 ng 1987 Constitution na nagsasaad na: "State recognizes the indispensable role of the private sector as the main engine of national development."

Nakabatay rin aniya ito sa Section 35 ng Republic Act No. 7160, na kilala bilang Local Government Code of 1991, na humihikayat sa partisipasyon ng pribadong sektor sa local governance partikular sa paghahatid ng mga basic services, capacity building, tourism, livelihood projects at sa pag-develop ng local enterprises na dinisenyo upang paunlarin at palakasin ang kakayahang pang-ekonomiya at sosyal ng mamamayan sa loob ng nasasakupang lugar.