Nasa 306 pa na rockfall events ang naitala sa Bulkang Mayon sa nakaraang 24 oras.
Ayon sa website ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), bukod sa sunud-sunod na pagragasa ng mga bato, naobserbahan din ang dalawang volcanic earthquake ng Mayon at tatlong pyroclastic density current (PDC) events simula 5:00 ng madaling araw ng Miyerkules hanggang 5:00 ng madaling araw ng Huwebes.
Paliwanag ng Phivolcs, nakapagtala rin sila ng mabagal na pag-agos ng lava mula sa bunganga ng bulkan.
Nasa 193 toneladang sulfur dioxide ang ibinuga rin ng Mayon Volcano nitong Hunyo 14.
Umabot naman sa 700 metrong taas ang pinakawalang usok ng bulkan at tinangay ng hangin pa-hilagang kanluran.
Ipinagbabawal pa rin ng Phivolcs ang pagpasok sa 6-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) dahil sa posibleng pagragasa ng mga bato at lava kapag matindi ang pag-ulan.
Nananatili sa Level 3 ang alert status ng bulkan na posibleng sumabog sa mga susunod na araw, ayon pa sa ahensya.