Makaka-graduate na umano sa kaniyang kursong "Bachelor of Science in Criminology" sa Naga College Foundation, Naga City, Camarines Sur ang estudyanteng si Jodie Paredes, na nagpasaklolo at umapela sa publiko na magpatak-patak kahit piso upang makalikom siya ng pambayad sa kaniyang balanse sa matrikula, upang makapagmartsa siya sa graduation ceremony ng paaralan.

Ayon sa FB post ni Jodie, lumobo ang balanse nila sa paaralan dahil sa epekto ng pandemya. Malaki aniya ang tulong ng pagsali niya sa chorale group ng paaralan upang makapagpatuloy sa pag-aaral, subalit nahinto ang scholarship noong kasagsagan ng pandemya, dahil sa natengga ang kanilang grupo.

Ayon sa mga ulat, ang nanay ni Paredes ay isang kasambahay samantalang contractual postman naman ang kaniyang ama na bukod sa senior citizen na, ay PWD person with disability pa.

Kaya gumawa umano ng paraan si Paredes upang makalikom ng lagpas ₱48k upang mabayaran ang balanse nila sa paaralan lalo't graduating na siya.

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

Habang isinusulat ang balitang ito ay dumagsa raw ang tulong kay Paredes kaya nakalikom na siya ng higit ₱50k kaya mareresolba na niya ang malaking suliraning nakaatang sa kaniyang balikat.

Ang sobrang pera daw ay gagamitin niya para sa kaniyang internship.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!