Nagsagawa ng aerial inspection si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Bulkang Mayon nitong Miyerkules.
Kasama niya sa inspeksyon si Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum, Jr.
Pagkatapos nito, pinangunahan din ng Pangulo ang situation briefing kung saan nagbigay ng kani-kanilang report ang mga opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Health (DOH), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of National Defense (DND) – Office of Civil Defense (OCD), DOST-Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) at mga local government units (LGUs) ng Albay.
Aabot naman sa ₱49 milyong Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) assistance ang ibinigay ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga LGU na apektado ng pag-aalburoto ng bulkan.
Sa datos naman ng DSWD-Disaster Response Operations Monitoring and Information Center (DROMIC), umabot na sa 9,688 pamilya sa 26 na barangay ang apektado ng tumitinding pag-aalburoto ng Mayon Volcano.
Simula Martes (5:00 ng madaling araw) hanggang Miyerkules (5:00 ng madaling araw), pitong pagyanig ang naitala sa Bulkang Mayon, bukod pa ang 309 rockfall events at pitong pyroclastic density current (PDC) events.