Umapela si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga Manilenyo na makilahok sa citywide cleanup drive sa Huwebes, Hunyo 15. 

Ayon sa alkalde,  ang cleanup drive ay magsisimula ng alas-7:00 ng umaga at pangungunahan ng mga  opisyal at empleyado ng  Manila City Hall.

"Iniimbitahan namin ang lahat na makilahok sa city-wide cleanup drive sa darating na Huwebes, ika-15 ng Hunyo, ganap na ika-7 ng umaga. I-upload ang inyong mga larawan kasama ang hashtag na #MNLCityWideCleanUP at sumama sa daan-daan na mga Manileñong naglaan ng kanilang oras para sa komunidad," ayon sa alkalde. 

"Mula sa simpleng paglinis ng ating komunidad, basta't sama-sama tayo ay malaki ang ating maitutulong sa ating kalikasan," dagdag pa ni Lacuna.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Sinabi pa ni Lacuna na layunin ng cleanup up drive na paigtingin ang kamulatan at kahalagahan ng pagpapanatili ng kalinisan sa lahat ng oras.

Umaasa ang lady mayor na ipapaalam at ipapakalat ng mga barangay authorities ang impormasyon sa cleanup drive sa kani-kanilang nasasakupan at hikayatin ang mga ito na makilahok. 

Ang nasabing cleanup drive ay bahagi ng mga gawaing nakalinya tungo sa pagdiriwang ng "Araw ng Maynila" sa June 24 na siya ring anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod. 

Binigyang diin ni Lacuna, na isa ring doctor, ang kahalagahan ng kalinisan , dahil ang maruming kapaligiran ay nagsisilbing breeding grounds ng iba't-ibang mga sakit.

Kamakailan lang ay nagbabala si Lacuna sa mga Manileño laban sa dengue na dala-dala ng mga lamok na namumugad sa maruming kapaligiran.

Dahil dito ay nanawagan ang alkalde sa mga residente na panatilihing laging malinis ang kapaligiran. Linisin ang mga sulok-sulok lalo na ang mga nakaimbak na tubig o stagnant water dahil dito nangingitlog ang  mga dengue-carrying mosquitoes.