Naantig ang damdamin at nagdulot ng inspirasyon sa netizens ang kuwento ng mag-amang Jenalyn Begornia at Eleazar Begornia mula sa Bulacan, matapos nilang sabay na makamit ang diploma sa pag-aaral ng Senior High School.

Ang ama na si Eleazar Begornia, nagtatrabaho bilang maintenance at utility staff sa paaralan kung saan nag-aaral ang kaniyang anak na si Jenalyn Begornia, ay naging kaklase pa niya. Mismong ang pamunuan pa raw ng paaralan ang nagtulak kay Mang Eleazar upang magpatuloy sa pag-aaral.

Ibinahagi ng misis ni Eleazar at ina ni Jenalyn na si Farralyn Begornia ang mga litrato ng kaniyang mag-ama, sa kaniyang Facebook post.

"Kahit po ako utility, pinu-push nila ako na mag-aral. Hindi sila nagsabing, 'Uy nagtatrabaho ka 'wag kang mag-aral.' Pinu-push pa po nila ako. Kaya sobrang tuwa ko po noong naka-graduate ako," emosyunal na kuwento ng ama sa panayam ng GMA News.

Human-Interest

Pambato ng Pilipinas sa research competition sa Taiwan, waging first place

Nais niya raw itaas ang kaniyang level upang hindi na siya maliitin ng mga tao.

Ipinagmamalaki naman ni Jenalyn ang kaniyang ama dahil sa naging achievement nito.

"Even though po nahihirapan siya, nagtatrabaho siya, after po niya magtrabaho nagsasagot po siya ng module," saad ni Jenalyn.

"Sobrang saya po na sa hirap po ng pinagdadaanan namin naka-graduate po kami nang sabay."

Ayon kay Eleazar, nais niyang magpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo. Kukuha aniya siya ng kursong Edukasyon major in Physical Education matapos siyang surpresahin ng scholarship ng paaralang kaniyang pinapasukan.

Si Jenalyn naman, balak kumuha ng Hospitality Tourism sa Bulacan State University. Madali siyang natanggap dahil nagtapos siyang With High Honors.

Samantala, proud na proud din ang paaralang pinagtapusan ng dalawa sa mag-ama.

"Lubos kaming nagagalak na ibahagi ang kwento nina Sir Eleazar Begornia at ang kaniyang anak na si Jenalyn Bergonia na sabay na nagtapos ng kanilang Senior High sa ICP Senior High School - Santa Maria."

"Salamat po sa inyo at nagsilbi kayong inspirasyon sa maraming tao. Kami ay labis na natutuwa na maging bahagi ng inyong istorya," anang paaralan sa kanilang Facebook page.

Pagbati sa mag-ama!

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!