Inaprubahan na ng hukuman ang petisyon ni self-confessed drug lord Kerwin Espinosa na makapagpiyansa sa kasong may kaugnayan sa pagbebenta ng illegal drugs.
Idinahilan ni Baybay City, Leyte Regional Trial Court Branch 14 Judge Carlos Arguelles, mahina ang ebidensya ng prosekusyon upang idiin sa kaso si Espinosa at apat na iba pang akusado.
Itinakda ng hukuman ang piyansang ₱700,000 bawat isa sa mga akusado.
Gayunman, ipinaliwanag ng abogado ni Espinosa na si Raymund Palad, mananatili pa rin sa kulungan ang kliyente nito dahil nahaharap pa ito sa dalawang kaso sa Manila City Regional Trial Court--ang una ay may kinalaman sa iligal na droga at ang ikalawa ay illegal possession of firearms and explosives.
Ang kaso ay nag-ugat sa pag-amin ni Espinosa sa Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at sa Senado na nakipagsabwatan siya sa apat na akusadong sina Brian Anthony Zaldivar, Jose Antipuesto, Alfred Batistis at Marcelo Adorco para kalakalan ng iligal na droga.
Kabilang lamang sa mga isinumite ng prosekusyon ang mga affidavit ng mga akusado at transcripts of hearings ng ibang kaso sa hukuman.
Hindi kasama sa iniharap na ebidensya sa korte ang iligal na droga at nasamsam na pera ng akusado.
“[T]he extrajudicial confession of the accused cannot be considered as strong evidence of guilt against the accused in the absence of corpus delicti. Sifting and scouring through the tangled web of the prosecution evidence, this Court does not find any corroboration. There were no eyewitnesses in the commission of the crime that would positively identify Espinosa and his co-accused of having committed the crime charged,” pagdidiin pa ng korte sa kanilang resolusyon na isinapubliko nitong Hunyo 13.