BACOLOD CITY -- Patay ang dalawang miyembro ng New People's Army (NPA) habang 32 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos ang sunud-sunod na bakbakan sa puwersa ng gobyerno sa Barangay Macagahay, Moises Padilla, Negros Occidental noong Martes, Hunyo 13.

Hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng mga namatay na rebelde.

Naglunsad ng combat operations ang Army 62nd Infantry Battalion (IB) matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa umano'y presensya ng isang armadong grupo sa Barangay Macagahay.

Nakipagbakbakan ang militar sa loob ng 20 minuto laban sa anim na rebeldeng NPA. Sinundan din ito ng isang 15 minutong sagupaan sa Sitio Cupad laban sa blocking force ng 62nd IB.

Probinsya

Lalaki, nanaksak matapos maingayan sa motorsiklo noong Bagong Taon

Isa pang sagupaan ang nangyari nang habulin ng isang platun ng 62nd IB ang mga tumakas na rebeldeng NPA sa Sitio Mantauyan. 

Walang naiulat na nasawi sa panig ng gobyerno habang dalawang bangkay mula sa panig ng kalaban ang natuklasan. 

Narekober ng militar sa engkwentro ang isang M16 rifle, isang 12-gauge shotgun, isang .38 caliber revolver, apat na short magazine assembly para sa M16, dalawang rounds ng serviceable ammunition para sa shotgun, anim na ammunition para sa .38 caliber revolver, 79 rounds ng 5.56mm ball para sa M16, isang rifle grenade, dalawang bandoliers, binokulo, dalawang backpacks, dalawang sling bags, at isang power bank.

Ang mga evacuees na naapektuhan ng bakbakan ay binigyan na ng food packs ng lokal na pamahalaan at pansamantalang tumutuloy sa Barangay Macagahay Evacuation Center. 

Naganap ang mga bakbakan wala pang isang buwan matapos makasagupa ng militar ang mga rebeldeng NPA sa Barangay Quintin Remo, bayan ng Moises Padilla, at sa Barangay Trinidad, Guihulngan City, Negros Oriental kung saan siyam na rebeldeng NPA ang napatay. 

Glazyl Masculino