Ipinahayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Martes, Hunyo 13, na tinitingnan ng kagawaran ang pagkakaloob ng tulong na salapi sa mga pamilyang apektado ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon sa Albay.

Sa panayam ng ANC, ipinunto ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na layon ng planong pamamahagi ng cash aid na palakasin ang mga indibidwal at pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa aktibidad ng bulkan. 

Layon din umano nitong tulungan ang mga pamilyang makabili ng iba nilang pangangailangan na hindi kasama sa ipinagkakaloob na Family Food Packs (FFPs) ng DSWD.

"We can empower them with the right to choose. You give them cash, they can go to their grocers to buy their family needs,” saad ng DSWD Chief.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ayon pa kay Gatchalian, bahagi rin ang inisyatiba ng pagsisikap ng DSWD na isagawa ang "anticipatory action" na diskarte sa pagtugon sa sakuna.

“Anticipatory action, alam mong sasabog ang bulkan, so we can already empower the people through cash assistance. Kasi the boxes are typical, eh. They are not tailored fit to meet every family's individual requirements,” aniya.

Ang cash aid, ani Gatchalian, ay manggagaling sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program ng Departamento.

Tiniyak naman ni Gatchalian sa mga local government units (LGUs) sa lalawigan at sa publiko na patuloy na babantayan ng DSWD ang sitwasyon upang mas masuri ang mga kinakailangang interbensyon.

Simula nitong Lunes, Hunyo 12, nasa 9,338 pamilya o 36,814 indibidwal mula sa 26 mga barangay sa Albay na umano ang naapektuhan ng aktibidad ng bulkan ng Mayon.