Tinatayang 87% ng mga Pilipino ang nakararamdam na ligtas sila sa kanilang lugar, ayon sa inilabas na resulta ng March 2023 survey ng OCTA nitong Martes, Hunyo 13.
Sa inilabas na “Tugon ng Masa” survey ng OCTA, sa 87% na nakararamdam na ligtas sila sa kanilang lugar, 46% dito ang labis na nakararamdaman na "safe" sa kanilang lugar habang 43% naman ang medyo nakararamdam nito.
Samantala, 4% lamang umano ang medyo nakararamdam na hindi ligtas sa kanilang lugar,
Nasa 9% naman ang hindi makapagbigay ng kanilang saloobin hinggil sa usapin.
Ayon pa sa datos ng OCTA, ang pinakamarami umanong mga indibidwal na nakararamdam na ligtas sa kanilang lugar ay mula sa National Capital Region (NCR) at Balance Luzon na kapwa may 91%. Sinundan ito ng Mindanao na may 83% Pilipinong nakararamdam na ligtas sa kanilang lugar, at ng Visayas na mayroon namang 81%.
Kapwa 4% naman, ng mga Pinoy sa Balance Luzon, Visayas, at Mindanao, habang 3% sa NCR ang nakararamdam na medyo hindi ligtas sa kanilang lugar, ayon pa sa OCTA.
Isinagawa umano ang nasabing survey mula Marso 24 hanggang 28 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 Pinoy sa bansa na may edad 18 pataas.