May kabuuang 64,420 examinees ang pumasa sa Career Service Examination – Pen and Paper Test (CSE-PPT) na ginanap noong Marso 26, ayon sa Civil Service Commission (CSC) nitong Martes, Hunyo 13.

Ayon sa CSC, kinakatawan ang naturang mga pasado sa CSE-PPT sa 16.88% passing rate.

Sinabi rin ng CSC na 54,478 o 16.42% examinees ang nakapasa sa CSE Professional Level, habang 19.97% o 9,942 mga indibidwal naman ang nakapasa sa Subprofessional Level.

Naitala umano sa National Capital Region ang pinakamataas na bilang ng mga nagtagumpay sa pagsusulit na may 16,682 passers para sa parehong antas. Sinundan ito ng mga Rehiyon IV na may 7,730 passers, at ng Rehiyon III na mayroon namang 5,072 passers.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Ayon sa CSC, maaaring ma-access ang listahan ng mga pasado sa CSC website sa www.csc.gov.ph sa pamamagitan ng pag-click sa Examination Results widget na makikita sa kaliwang bahagi, o kaya naman ay direktang magtungo sa CSC Examination Portal sa  www.csc.gov.ph/exam-portal.

“Mula sa CSC, malugod na pagbati sa lahat ng mga nakapasa sa Civil Service Exam; we are looking forward to working with you in the civil service, where your expertise and passion will play a crucial role in shaping the future of our nation,” ani CSC Chairperson Karlo Nograles.

“For those who did not make it this time, do not lose hope and remember that you can always try again. Determination, coupled with persistence, will surely help you in your journey to becoming civil servants,” dagdag niya.

Samantala, ipinaliwanag ng CSC na ang mga aplikanteng nakapasa sa CSE Professional Level ay binibigyan ng Career Service Professional Eligibility, na isang kinakailangan para sa permanenteng appointment sa una at ikalawang level positions sa gobyerno na sumasaklaw sa professional, technical, scientific, at managerial positions, maging sa nangangailangan ng hindi bababa sa apat na taon ng pag-aaral sa kolehiyo.

Pagkakalooban naman ang mga pumasa sa Subprofessional Level ng Career Service Subprofessional Eligibility, na nararapat para sa permanenteng appointment sa unang antas ng mga posisyon tulad ng clerical, trades, crafts, at custodial service positions na nangangailangan ng mas mababa sa apat na taon ng pag-aaral sa kolehiyo.

Gayunpaman, sinabi ng CSC na hindi ginagarantiya ng naturang mga eligibility ang agarang employment sa government service. Dapat din umanong matugunan ng mga aplikante ang lahat ng qualification standards, tulad na lamang ng edukasyon, training, experience, at eligibility, ng trabahong nais nilang pasukan.