Tuluy-tuloy na pagkakaisa ang panawagan ni Manila Mayor Honey Lacuna nang pangunahan ang pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa lungsod nitong Lunes.
Kasabay nito, mainit na tinanggap ni Lacuna sina Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at lahat ng iba pang opisyal ng pamahalaan na dumalo sa selebrasyon na isinagawa sa Quirino Grandstand sa Luneta.
Sa kanyang welcome remarks, sinabi ni Lacuna na, "Isang daan at dalawampu’t limang taon ng kalayaan at kasarinlan ang masigla nating ginugunita. Binibigyang-halaga natin ang kagitingan at matibay na paninindigan ng ating mga bayani. Nagpupugay tayo sa pangarap, pagsisikap, malasakit at pag-aalay nila ng kanilang sarili sa ngalan ng Kalayaan."
Ayon sa alkalde, bilang pagbabalik-tanaw, maraming aral ang natutunan sa makulay na kasaysayan sa mga nakalipas na panahon na siyang gumagabay sa mga Filipino sa kasalukuyan.
"Sila ang ating inspirasyon kaya’t nagsusumikap din tayo sa pagbabahagi ng ating panahon, talino, galing at talento upang maitaguyod ang maayos at maunlad na lipunan," aniya pa.
Tinukoy rin niya ang pagkakaisang ipinamalas ng mga Filipino sa panahon ng pandemya kung kaya matagumpay na nalagpasan ito.
Kahit huminto sa pag-inog ang mundo at naging dahilan upang mahinto rin ang pagdaraos ng mga face-to-face events, selebrasyon, sinabi ni Lacuna na nanatili ang kooperasyon sa pagsunod sa itinakdang alituntunin at protocols kung kaya naman ang bansa ay unti-unting bumalik sa normalidad.
"Sa pagsasama-sama natin ngayong umaga, nawa’y maipagpatuloy natin ang ating pagkakaisa, ang ating pagdadamayan, ang pagbabalikatan para sa patuloy na pagkakaroon natin ng buhay na malaya at pagtataguyod natin sa kasarinlan ng bansa. Muli, ang aming taos puso at masiglang pagtanggap sa inyong lahat dito sa Maynila, ang pangunahing lungsod at kapitolyo ng ating bansa, timbulan ng laya at lahing dakila," anang alkalde.