Naglabas ng pahayag si Senador Risa Hontiveros sa paggunita ng Araw ng Kalayaan ngayong Hunyo 12, 2023.

Sa pahayag ni Hontiveros sinabi niyang alalahanin ng bawat Pilipino ang naging sakripisyo ng ating ninuno.

"Sa ating paggunita ng ika-125 na Araw ng Kalayaan, alalahanin natin ang sakripisyo ng ating mga ninuno. Higit sa paglaban sa mga dayuhang mananakop at mapang-abusong pamahalaan, tinuligsa ng ating mga lolo at lola ang malalang uri ng karahasan at kawalan ng oportunidad, pati na rin ang paglaki ng agwat ng mayayaman at mahirap. At ang mga laban na iyan ay hindi pa tapos," saad ng senadora.

"Ang mga problemang nagsilbing mitsa ng ating laban noon, ay pareho sa mga pakikibaka natin ngayon. Sa kasalukuyan, tuloy ang laban para sa isang mas pantay at makatarungang lipunan. Sa tuwina, nilalabanan natin ang kahirapan, mga mapang-abusong dayuhan, at maging ang kasakiman ng ilan sa atin," dagdag pa niya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Binanggit din ni Hontiveros na nauulit ngayon ang mga kamalian noon kagaya ng pananatili ng kahirapan, katiwalian, at lumalawak umano ang hindi pagkakapantay-pantay.

"Nakakalungkot isipin na nauulit na naman ang mga kamalian noon. Tulad din dati, nananatili ang ang kahirapan, katiwalian, at lumalawak ang hindi pagkakapantay-pantay. Ang pilit na rebisyon sa kasaysayan at pagkalat ng maling impormasyon, pati na ang pang-aabuso sa karapatang pantao ay ilan lamang sa mga hamon na pumipigil rin sa ating pag-unlad bilang isang bansa," ani Hontiveros.

Umaasa ang senador na sa araw na ito ay alalahanin ang pakikibaka ng bawat Pilipino.

"Bagamat hinubog ng mga pagsubok na ito ang ating pagkatao bilang mga Pilipino, sana sa araw na ito ay alalahanin natin na kahit sa gitna ng ating pakikibaka, dapat kailanman, hindi maiwan ang iba.

"Mga kababayan, totoo, napakahirap ipaglaban ng kalayaan at demokrasya. Gayunpaman, binigyan tayo ng ating mga ninuno ng kakayahang maging malikhain, matatag, buo ang loob, at syempre, ang makipagbayanihan.

"Katulad ng ating mga bayani, pagtibayin sana tayo ng ating nakaraan para sa ating kinabukasan, anuman ang ating pagkakaiba-iba. Tuloy-tuloy nating ipakita sa mundo kung ano ang ibig sabihin ng pagiging isang Pilipino— sa isip, salita, at sa gawa," pagtatapos ni Hontiveros.

Ngayong Hunyo 12 ginugunita ang ika-125 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.