Pangungunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang paggunita ng bansa sa ika-125 Araw ng Kalayaan sa Maynila sa Lunes, Hunyo 12.

Batay sa advisory mula sa Malacañang, dadalo ang Chief Executive sa Independence Day anniversary rites sa Rizal Park, pagkatapos ay magho-host ng event para sa mga dignitaryo sa Malacañang pagdating ng hapon.

Sisimulan ang kaganapan sa Lunes, na magsisimula sa alas-8 ng umaga, sa pamamagitan ng flag-raising at wreath-laying ceremony sa Rizal National Monument.

Ang ikalawang bahagi ay ang Araw ng Kalayaan Grand Parade na gaganapin sa Quirino Grandstand.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Bago ang komemorasyon, binigyang-diin kamakailan ng Pangulo ang kahalagahan ng pag-aaral ng mga kabataan tungkol sa kasaysayan ng bansa.

“It's important that we know our people's history so we would learn from our mistakes in the past and not repeat them,” ani Marcos Marcos sa ginanap na opening ng Malacañang Heritage Tours.

“We should replicate the good things we did in the past,” dagdag niya.

Ang Rizal Park ay ang makasaysayang urban park na nakatuon sa pambansang bayani ng Pilipinas na si Dr. Jose Rizal. Doon din siya binitay noong Disyembre 1896 para sa krimen ng rebelyon para sa pag-uudyok ng rebolusyon sa pamamagitan ng kaniyang mga sinulat.

Pagdating ng alas-5 ng hapon sa parehong araw, idaraos ni Marcos ang 2023 Independence Day Vin D’ Honneur sa Malacañang para sa mga dayuhang diplomat.

Nakamit ng Pilipinas ang kalayaan mula sa Espanya noong 1898 pagkatapos ng mahigit 300 taong kolonisasyon.

Raymund Antonio