Naglagay ang Office of Civil Defense (OCD) ng water filtration units sa Albay para tugunan ang mga naiulat na kakulangan sa maiinom na tubig ng mga residenteng lumikas dahil sa patuloy na pagkabalisa ng Bulkang Mayon.

Sinabi ni Diego Agustin Mariano, head ng OCD joint information unit, na nakipag-ugnayan ang civil defense sa regional office sa Bicol (OCD-5) upang matukoy at matugunan ang mga pangangailangan ng evacuees.

“Sapat po ang supply ng pagkain pati tubig. Nagdeploy po tayo ng water filtration units sakaling magkulang ‘yung potable water,” ani Mariano sa isang panayam sa radyo ng dzBB nitong Linggo, Hunyo 11.

Ayon sa mga ulat, inirereklamo ng mga evacuees sa Legazpi, Albay ang kawalan ng maiinom na tubig, malinis na palikuran, at kuryente sa ilang evacuation centers. Inireklamo rin umano nila ang kawalan ng maayos na bentilasyon dahil puno ng mga tolda ang mga shelter.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi naman ni Mariano na patuloy ang pamimigay ng tulong para matugunan ang mga reklamo ng mga lumikas.

“Naka-ready po tayo i-augment kung ano ang kailangan nila. Katuwang natin ang OCD Region 5 so sila po ang gumagawa ng legwork pagdating sa ganyan,” aniya.

Lumabas sa situational report mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na may kabuuang 3,538 pamilya o 12,804 na indibidwal ang inilikas dahil sa pagkabalisa ng Mayon.

May kabuuang P6,934,050 halaga ng family food packs, bottled water, family tents, hygiene kits, at iba pang tulong ang naibigay sa mga evacuees.

Samantala, inatasan din ang mga law enforcement agencies na magsagawa ng mas mahigpit na security operations para mapigilan ang mga residente na bumalik sa 6-kilometrong radius Permanent Danger Zone (PDZ).

“Katuwang natin ang LGUs, Philippine National Police, at Armed Forces of the Philippines para sa paghihigpit sa Permanent Danger Zone na walang makakabalik sakaling lumabas, at sila ay nagse-setup ng chokepoints para po dyan,” ani Mariano.

Martin Sadongdong