Pinayuhan ni Department of Health (DOH) Secretary Dr. Teodoro "Ted" Herbosa ang publiko na iwasan ang pamamasyal malapit sa Bulkang Mayon dahil sa panganib sa kalusugan na kaakibat ng gas at dust particle emissions nito.

"Yung emissions nyan may sulfur and sulfur dioxide, kumakabit sa hemoglobin yan nakakapoison ng dugo,tapos yung dust naman yung ash can stick sa lungs natin," saad ng DOH chief sa isang media briefing nitong Linggo, Hunyo 11.

Ayon kay Herbosa, may mga ulat na may mga lokal at turista na nanonood ng pagputok ng Bulkang Mayon, partikular sa gabi, dahil sa kaakit-akit nitong tanawin.

"Remember there is a concomitant health risk for being close to the eruption because of inhaling sulfur dioxide gas or the particulate matter," aniya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Pinayuhan ni Herbosa ang mga nanonood na magsuot ng N95 mask o, mas mabuti pa, huwag na lang lumapit sa bulkan.

Samantala, naglabas ang Department of Tourism sa Bicol ng advisory noong Hunyo 9 na nagsasabing maaari pa ring pumunta ang mga turista at local visitors sa iba't ibang tourist destinations sa Albay, maliban sa mga malapit sa bulkan.

Maaari pa rin umano nilang panoorin ang Bulkang Mayon mula sa isang lugar na malayo sa 6-kilometrong permanenteng danger zone.

Luisa Cabato