Marami ang naantig sa post ni Wendell Vincent Ramiro, 48, mula sa Quezon City tampok ang before-and-after photos ng kaniyang fur baby na kinupkop umano nila walong taon na ang nakararaan.

“8 yrs na pala nakalipas simula [nang] mapulot ka namin. Bigyan kapa sana ng mahabang buhay. We love you Ralf 🐶 #sagipbuhay,” caption ni Ramiro sa kaniyang post sa Facebook group na “ASPIN LOVERS PHILIPPINES.”

Sa panayam ng Balita, ibinahagi ni Ramiro na nakita nila 8 years ago si Ralf sa tapat ng gate ng kanilang bahay. Napakapayat umano nito noon at maraming sakit sa balat.

“Pinakain kaagad namin, pinaliguan at pinagamot. Sinabi ko na sa Misis ko at anak ko na i- prepare nila ang sarili nila dahil baka pag gising namin, posibleng hindi maka survive si Ralf, dahil sobrang hina nya,” kuwento ni Ramiro. 

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Ang swerte namin kasi paggising namin nong sumunod na araw, sinalubong niya kami na napakasaya at napakalambing,” dagdag niya.

Si Ralf lamang daw ang naging aso ng pamilya sa nakalipas na pitong taon kaya tila nagkaroon umano sila ng trial and error lalo na sa mga pinagdaanang gamutan ng kanilang fur baby noong nagpapagaling pa lamang ito at upang lumaking malusog.

“Wala naman kaming idea sa pag-aalaga ng aso, pero dahil mahal namin si Ralf, lumaki naman siya na malambing, healthy at masaya,” ani Ramiro.

Kuwento pa niya, natutuwa raw sila sa pagiging malambing ni Ralf na gustong gustong magpayakap sa kanila at magpakamot sa kahit anong bahagi ng kaniyang katawan.

Para may kasama si Ralf, kumupkop na rin daw ang mag-anak ng isa pang aspin na pinangalanan nilang “Luna” at isang golden retriever na pinangalanan namang “Zakk.” 

Samantala, nagulat naman daw siya nang mag-trending ang kaniyang post tungkol kay Ralf na umani na ngayon ng mahigit 21,000 reaction, 1,000 comments, at 836 shares.

“Nakakataba ng puso ang appreciation ng netizens at encouragement nila. Alam ko na marami ang mai-inspire na tumulong o mag adopt sa mga stray dogs or cats, gawin nyo lang, h'wag mag dalawang isip at sundin nyo ang puso nyo,” ani Ramiro.

“Siguradong susuklian nila kayo ng higit na pagmamahal.”

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!