Nasa 177 rockfall events ang naitala sa Mayon Volcano sa nakalipas na 24 oras.

Sa website ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang sunud-sunod na pagragasa ng mga bato ay nagsimula nitong Sabado, dakong 5:00 ng madaling araw hanggang Linggo, dakong 5:00 ng madaling araw.

Sa kabila ng pag-aalburoto ng bulkan, isang pagyanig lamang ang naitala ng Phivolcs.

Nasa 1,205 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinuga ng bulkan nitong Hunyo 10.

Naobserbahan pa rin ang ground deformation o pamamaga ng bulkan sa nakaraang observation period ng ahensya.

Nanawagan muli ang Phivolcs sa publiko na huwag nang pumasok sa 6-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) dahil sa nakaambang pagsabog ng bulkan.