Inililikas pa rin ng pamahalaan ang mahigit sa 14,000 residente na nasa 6-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) mula sa Bulkang Mayon.

Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Linggo ng hapon, sinabi ni Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) research division chief Eugene Escobar, inaasahang matatapos ang paglilikas ngayong Hunyo 11.

Aniya, tulong-tulong ang mga ahensya ng gobyerno upang mailigtas ang libu-libong residenteng nasa PDZ.

Kaugnay nito, ipinadala na ng provincial health office ang kanilang Health Emergency Response Team sa mga evacuation site sa Malilipot at Tabaco City upang mamahagi ng mga liquid container at iba pang basic commodities.

Nitong Linggo, libu-libong family food packs ang ipinadala ng DSWD Bicol office sa mga evacuation center sa Albay upang ipamahagi kaagad sa mga evacuee.