PCSO, nag-turnover ng ₱834.3-M sa PhilHealth
PCSO, nag-turnover ng ₱834.3-M sa PhilHealth
Nag-turnover ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng ₱834.3 milyong halaga ng cheke sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) bilang suporta sa implementasyon ng Universal Health Care Law.
Ayon sa PCSO nitong Sabado, Hunyo 10, nangyari ang turnover noong Hunyo 8.
Saad pa nito, tinanggap ng top executives ng PhilHealth na sina Atty. Eli Dino D. Santos, Renato L. Limsiaco Jr., at Atty. Ma. Emily P. Roque ang cheke na nagkakahalagang ₱834,219,343.15 mula kina PCSO Director Jennifer Liongson-Guevara at Asst. General Manager for Charity Sector Dr. Larry Cedro sa main office ng PCSO sa Mandaluyong City.
Sinabi ni PCSO General Manager Mel Robles na ang nasabing halaga ay ire-remit sa Bureau of Treasury at sasakupin ang kontribusyon ng ahensya para sa 4th Quarter ng 2022 at Enero-Pebrero 2023 sa Universal Health Care.
Binigyang-diin din niya na nagsusumikap umano ang PCSO na malampasan ang target nitong kita ngayong taon para makalikom ng mas maraming pondo para sa UHC at sa iba pang charity programs ng pamahalaan.
"We are committed to supporting President Ferdinand Marcos's goal of improving the country's public healthcare system by providing quality treatment and necessary medical assistance to our poor countrymen," aniya.
Ayon pa sa kalatas ng PCSO, noong 2022 nakabuo umano sila ng ₱57,398,945,550.90 na kita mula sa iba't ibang gaming products nila katulad ng Lotto, Digit Games, Small Town Lottery, Instant Sweepstakes, at Keno.
Bilang resulta, nalampasan ng ahensya ang annual sales target na ₱46.1-B ng 125 na porsiyento.