Sa gitna ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon, pinaalalahanan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga residente sa Albay na sumunod sa rekomendasyon at evacuation instructions ng kani-kanilang local government unit (LGU) upang masiguro umano ang kaligtasan ng bawat isa.
“Patuloy ang paglilikas sa mga pamilyang nakapaloob sa 6km permanent danger zone at pagdadala sa kanila sa mga evacuation centers,” ani Marcos sa kaniyang social media post nitong Sabado, Hunyo 10.
Ayon pa sa Pangulo, nakaantabay na rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa magkaloob sa mga apektadong residente tulad ng ₱114-milyong Quick Response Fund na available sa DSWD Central Offic, ₱5-milyong Funds na available sa DSWD Field Office Region V, at ₱179,000 Family Food Packs na available sa Disaster Response Centers.
“Dagdag pa sa mga preparasyong ito ay maaasahang patuloy ang koordinasyon at pagtutulungan ng bawat ahensya kagaya ng OCD (Office of Civil Defense), DA (Department of Agriculture), DOH (Department of Health), DENR (Department of Environment and Natural Resources), PHIVOLCS (Philippine Institute of Volcanology and Seismology), at iba pa,” ani Marcos.
Matatandaang isinailalim na nitong Biyernes, Hunyo 9, sa state of calamity ang probinsya ng Albay, matapos itaas sa Alert Level 3 ang alert status ng Bulkang Mayon.
MAKI-BALITA: Albay, isinailalim sa state of calamity dahil sa Bulkang Mayon