Ipinagmalaki ng "Face 2 Face" host na si Karla Estrada na isa na siyang army reservist, batay sa kaniyang Facebook posts.
"Signified to join the Philippine Army as a Reservist," caption ni Karla sa kaniyang social media post, kalakip ang litrato kung saan makikita sa kaniyang likuran na tila nasa opisina siya ng “Office of the Assistant Chief of Staff for Reservist and Retiree Affairs” ng Philippine Army,” habang hawak niya ang isang itim na statement shirt, kung saan mababasa ang pahayag na “Army reserve citizen responder in war & disaster for the Filipino I volunteer.”
May text caption pa itong “Hindi ako basta mamshie! Philippine Army reservist soon! Para sa Bayan kong mahal!”
Pinasalamatan ni Karla si Senador Robin Padilla sa pag-assist sa kaniya upang maging isang army reservist.
“Maraming salamat SENATOR Robin Padilla for all the assistance. MABUHAY KA,” pasasalamat niya sa kaniyang Facebook post.
Sa kaniyang Instagram post, humingi ng paumanhin si Karla matapos niyang gamitin ang "NPA hymn" sa kaniyang naunang post sa reel, ang "Bagong Hukbong Bayan."
"Magandang Araw po sa inyong lahat. Ang mensahe ko pong ito ay patungkol sa musikang nakalapat sa isa sa aking video reel na ipinost ko sa aking social media accounts na akin ng binura agad. Ito po yy tungkol sa aking intensyon na maging isang Philippine Army Reservist."
"Ako po ay hindi aware na ang nasabing musika na nailapat sa aking video reel ay isa palang awitin umano na tumutukoy sa isang grupo na may paniniwalang salungat sa pamahalaan."
"Ako po ay taos pusong humihingi ng paumanhin sa Philippine Army at sa lahat ng taong nasaktan o naapektuhan ng nasabing video reel. Hindi ko po sinadya o intensyon na ilapat sa aking video ang nasabing musika at wala din po sa aking kamalayan kung ano ang kinakatawan o mensaheng nilalaman nito."
"Nais ko pong ipabatid sa lahat na ang tanging layunin ng aking pagpapalista sa hanay ng Philippine Army bilang Reservist ay upang makapaglingkod sa bawat Pilipino at sa bansang Pilipinas sa abot ng aking kakayanan."
"Muli, humihingi po ako ng paumanhin. Salamat po."