Muling lumikha ng kasaysayan o "herstory" si "KaladKaren Davila" matapos pumirma ng kontrata sa flagship newscast ng TV5, ang "Frontline Pilipinas," upang maging kauna-unahang transwoman news presenter sa telebisyon dito sa Pilipinas.

"Mas inklusibo na po ang pagbabalita," ani KaladKaren sa kaniyang social media posts.

"Gabi-gabi n'yo na po tayong mapapanood sa primetime newscast ng TV5- Frontline Pilipinas. Sa wakas, may transgender news anchor na sa PHILIPPINE NEWS!!! Happy Pride!"

"Maraming Salamat po TV5 President Sir Guido Zaballero and News 5 Chief Ma’am Luchi Cruz-Valdez! Kapatid x Kapamilya. TO GOD BE THE GLORY!"

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Kasama ni KaladKaren sina Luchi Cruz-Valdes, Haed of News and Information sa TV5, gayundin si Guido Zaballero, President at CEO ng TV5, sa pagpirma ng kaniyang kontrata.

Makakatapat ng newscast program ang longest-running newscast sa bansa, ang TV Patrol ng ABS-CBN, kung saan news anchor ang kaniyang idolo at ginagayang si Karen Davila.

Noong Abril ay nabigyan ng pagkakataon si KaladKaren upang magbasa ng showbiz balita sa TV Patrol, matapos maging guest Star Patroller.

Marami ang pumuri sa angking-husay sa pagbabasa ng balita ni KaladKaren, lalo't tapos naman talaga siya ng Bachelor's Degree in Broadcast Communication sa UP Diliman, at miyembro ng UP SAMASKOM (Samahan ng mga Mag-aaral sa Komunikasyon).

Samantala, nagkomento naman dito ang Frontline Pilipinas news anchor na si Cheryl Cosim, sa kaniyang Instagram post.

"Let’s make history! See you on Monday!"

"Thank you Ate Yeng! I appreciate all your support po," sagot ni KaladKaren.

Ito na ang pangalawang "herstory" para kay KaladKaren.

Ang una, ang pagkapanalo niya bilang "Best Supporting Actress" sa nagdaang Summer Metro Manila Film Festival para sa pelikulang "Here Comes The Groom" ni Chris Martinez.