Si dating Manila City Mayor "Yorme" Isko Moreno Domagoso ang latest guest co-host ng bagong "Eat Bulaga" na napapanood pa rin sa GMA Network, sa episode ng noontime show ngayong Sabado, Hunyo 10.
Sa bandang dulo naman ng programa, naging emosyonal ang isa sa mga host na si Paolo Contis, nang magbigay ng mensahe para sa bashers nila.
Simula kasi nang umere nang live ang programa noong Hunyo 5, hindi na sila tinantanan ng bashing, lalo na sa mga solid Dabarkads fans na nasanay na sa TVJ, JoWaPao, at iba pang dating hosts.
Ayon kay Paolo, nakikiusap siya sa bashers at haters nila na huwag nang idamay sa bashing ang production team sa likod ng EB.
"Yung bashing sa amin, mga mura, pag-aalipusta sa amin, inspirasyon po namin 'yan. Binabasa namin lahat 'yan. Pero yung mga magagandang comments, nababasa rin namin 'yan. Kaya maraming-maraming salamat sa inyo," anang Paolo.
"Bukod sa mga televiewers, ang inspirasyon namin ay yung mga Dabarkads dito sa studio. Yung mga nasa likod ng camera, yung mga staff, writers, yung crew, lahat po sila ay inspirasyon namin.
"Umaga hanggang gabi nagtatrabaho na sila para pagdating namin dito sa studio, masaya kayo at alam na namin ang gagawin namin. Sila ang dahilan kung bakit alam namin ang ginagawa namin."
Nakikiusap si Paolo na huwag nang idamay ang staff, crew, writers, at lahat nang nasa likod ng camera dahil ito raw ang kanilang kabuhayan. Hindi raw nila deserve ang bashing na natatanggap nila ngayon.
"Masakit sa akin pag bina-bash n'yo sila. Ako sanay ako d'yan: breakfast, lunch at dinner. We will do our best para maging masaya kayo. Sana ay huwag na ninyong idamay yung staff at yung crew. They don't deserve it. Maybe I do. But they don't," pakiusap ni Paolo.
Samantala, hindi pa tiyak kung maisasakatuparan ba ang sinabi ni Tito Sotto III na sa kanilang pagbabalik-telebisyon sa TV5, bitbit pa rin nila ang program title na "Eat Bulaga."
MAKI-BALITA: ‘Laban o Bawi?’ Eat Bulaga versus Eat Bulaga posibleng magsalpukan sa noontime
Kung mangyayari iyon, magiging dalawa ang Eat Bulaga sa noontime. Nakakaloka, 'di ba?
Batay sa "BaliTaktakan" na isinagawa ng Balita, mas maraming sumagot na susuporta sila sa Eat Bulaga ng TVJ at original hosts sa TV5.