Instagram ang pangunahing plataporma na ginagamit ng pedophile networks upang magtaguyod at magbenta ng mga nilalamang nagpapakita ng child sexual abuse, ayon sa ulat ng Stanford University at ng Wall Street Journal.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi ng mga mananaliksik sa Cyber Policy Center sa unibersidad sa United States na hayagang nag-a-advertise ang malalaking network ng mga account na ginagamit ng mga menor de edad ng self-generated child sexual abuse material para ibenta.

"Instagram is currently the most important platform for these networks with features like recommendation algorithms and direct messaging that help connect buyers and sellers,” anito sa ulat ng AFP.

Sinabi naman ng tagapagsalita ng Meta sa AFP nitong Huwebes, Hunyo 8, gumagawa na ng mga paraan ang kompanya upang labanan umano ang child exploitation na tinawag niyang “horrific crime.”

Internasyonal

Mahigit 40 unggoy, nakatakas sa isang research compound sa South Carolina

"We're continuously exploring ways to actively defend against this behavior, and we set up an internal task force to investigate these claims and immediately address them,” saad nito.

Sa pagitan ng taong 2020 hanggang 2022, 27 abusive networks umano ang binuwag ng meta team, habang nitong Enero lamang ay pinaralisa nila ang mahigit 490,000 accounts dahil sa paglabag sa mga patakaran ng tech company hinggil sa child safety.

Noong nakaraang Marso, nagsampa ng reklamo ang pension at investment funds laban sa Meta dahil sa "pagbubulag-bulagan" umano sa human trafficking at child sex abuse images sa mga plataporma nito.

Sa pagtatapos ng nakaraang taon, inalis umano ng teknolohiyang inilagay ng Meta ang mahigit 34 milyong piraso ng child exploitation content mula sa Facebook at Instagram, ayon sa Silicon Valley tech firm sa ulat ng AFP.