Posibleng isailalim sa Level 4 ang alert status ng Mayon Volcano dahil sa tumitinding pag-aalburoto nito sa nakalipas na 24 oras.

Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) director Teresito Bacolcol, binabantayan pa nila ang iba pang parametro bago nila itaas ang alert level status ng bulkan.

"For example ang sulfur dioxide emission, kapag dumadami na. Kasi, as of now, nasa lower than the background level 'yung sulfur dioxide emission it's just 332 tons per day. Ang background niya is 500 tons per day, so mas mababa pa siya," banggit ng opisyal sa panayam sa telebisyon nitong Biyernes.

Nitong Huwebes, itinaas sa Level 3 ang alert status ng bulkan dahil na rin sa lumalalang aktibidad nito sa mga nakalipas na araw.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Naitala rin ng Phivolcs ang anim na pyroclastic density currents (PDC) events o pagragasa ng lava sa nakalipas na 24 oras.

Binanggit ni Bacolcol na ang PDC ay bagong termino ng pyroclastic flow.

"Hindi na po natin ginagamit ang term na pyroclastic flow, kasi nagkakaroon ng misimpression ang mga tao na it's just a flow. When, in fact, it's very fast moving (for) several kilometers ang itinatakbo niya per hour," ani Bacolcol.

Naranasan din aniya ng manipis na ash fall sa mga lugar na saklaw ng 12 kilometro mula sa bulkan.

Nanawagan din si Bacolcol sa publiko na huwag munang lumapit at pumasok sa 6-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) dahil sa posibleng pagragasa ng mga bato at pagputok ng bulkan