Usap-usapan ngayon ang balitang may isang online lending application na nagpapadala ng bulaklak o korona ng patay at kabaong sa mga umuutang sa kanila na hindi kaagad nakapagbabayad ng utang batay sa maiksing panahong ibinigay sa kanila.

Batay sa ulat ng "24 Oras" ng GMA News, inireklamo ng isang babaeng nangutang na itinago ang pagkakakilanlan matapos siyang padalhan ng korona ng patay sa kanilang bahay.

Labis na eskandalo raw ang dulot nito sa kaniya gayundin sa kaniyang pamilya.

“Talagang hindi ko na alam ang gagawin ko sobrang pinahiya ako sa amin. Hindi ko alam na ganiyan ang mangyayari sa buhay ko," maririnig na salaysay niya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

₱5k daw ang inutang niya sa online lending app, pero ₱2,400 lamang ang nakuha niya dahil sa dami ng ikinaltas.

Sa unang beses na hindi raw siya nakapagbayad agad, inalok siya ng lender ng isang linggong extension, ngunit papatungan ito ng ₱2k kaya hindi siya pumayag.

“Sige ha, ganiyan ang tigas ng mukha mo. Sige hintayin mo papadala ko sa’yo,” banta raw ng lender sa kaniya.

“Napahiya po talaga ako. Parang kinikilabutan, hindi ko alam ang gagawin ko umiyak na lang ako. Pinagsisigawan pa kami through cellphone…”

Sinabi pa raw sa kaniya na kung hindi pa siya magbabayad, isusunod nang ipadala sa kaniya ang kabaong.

Isa pang nangutang ang nagreklamong mismong kabaong na raw ang ipinadala sa kaniya ng lending company na nakita niya lamang online. Tumanggi umanong makipanayam ang naturang nagreklamo.

Hinikayat naman ng PNP Anti-Cybercrime Group ang publiko na huwag mahihiyang dumulog at magreklamo sa kanila kung sakaling maka-engkuwentro ng ganitong pagbabanta mula sa online lending apps, o maging sa iba pang nagpapautang.