Ipinahayag ni suspended Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo "Arnie" Teves Jr. ang kaniyang pagsuporta para kina Vice President Sara Duterte at Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo nitong Huwebes, Hunyo 8.

Nagsalita ang nasuspindeng kongresista tungkol sa dalawang high-ranking lady officials sa isang news forum sa Quezon City.

Si Teves, na nasa ibang bansa mula noong Pebrero 28 at tumangging umuwi, ay dumalo sa nasabing forum sa pamamagitan ng Zoom.

"I feel what ma'am Inday Sara feels na dapat, kung sino man dyan may ambisyon, wag kayong 'tambaloslos'...tama ka sa sinasabi mo," ani Teves.

National

Davao Oriental, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Tinutukoy niya ang isang kontrobersyal na post sa social media mula kay Duterte sa gitna ng kamakailang kaganapan sa liderato ng Kamara.

MAKI-BALITA: Makahulugang IG post ni VP Sara, usap-usapan

"In whatever endeavors you do Ma'am Sara, I will support. Bilib ako sa guts mo at sa pagtayo mo sa ano yung tama," ani Teves.

May sinabi rin si Teves tungkol kay dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na naiulat kamakailan kasunod ng kaniyang "demotion" mula sa senior deputy speaker sa House of Representatives.

"Gusto kong ilabas ang aking sama ng loob sa ginawa kay Ma'am GMA...Hindi tama para sa akin, nabastusan ako doon sa ginawa niyo kay Ma'am GMA.

"It was not good. It was disrespectful to Ma'am GMA...And I don't know if you felt bad about it but me personally, I felt bad with what they did to you," aniya.

Pinalitan si Arroyo bilang senior deputy speaker ni Pampanga 3rd district Rep. Aurelio "Dong" Gonzalez Jr. noong Mayo 17.

"Ma'am, andito ako sa likod mo for whatever support, basta ako ma'am, you know I am with you," saad ni Teves kay Arroyo.

Ipinaliwanag pa niya kung gaano kataas ang tingin niya sa dating pangulo.

"Grabe ang paghanga ko, at ang taas ng tingin ko kay Ma'am GMA bilang tao, bilang nakaraang presidente, bilang naging katrabaho ko sa Kongreso at bilang isang kaibigan."

Tumangging bumalik sa bansa si Teves, ang itinuturong isa sa mga utak sa pagpaslang noong Marso 4 kay Negros Oriental Governor Roel Degamo, dahil sa takot umano sa kaniyang buhay.

Ellson Quismorio