Umapela si Manila Mayor Honey Lacuna nitong Miyerkules sa Manila City Council na isama na ang mga menor na persons with disabilities (PWDs) sa listahan ng mga adult PWD.

Ito'y sa pamamagitan nang pagpapasa ng isang ordinansa hinggil dito.

Sa 'Kalinga sa Maynila' forum, ipinaliwanag ni Manila Department of Social Welfare (MDSW) chief Re Fugoso na ang nasabing ordinansa ay magkakaloob ng implementing rules and regulations (IRR) upang mapabilang na rin ang mga menor de edad na may kapansanan na edad 17 pababa, sa probisyon ng monthly cash allowance mula sa city government na ipinatutupad na sa ngayon.

Sakaling maikasa ito, sinabi ni Fugoso na may 3,000 hanggang 5,000 minors PWDs, ang maidadagdag sa listahan ng PWDs sa lungsod, na nasa 35,000 na sa ngayon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Binigyang-diin pa ni Lacuna na kailangan din ng ayuda ng mga minor PWDs upang makabili sila ng kanilang medikal na pangangailangan.

Samantala, nabatid kay Fugoso na ang payout ng benefits para sa PWDs ay nakatakda ngayong Hunyo. 

Ang PWDs, tulad din ng senior citizens at solo parents, ay tumatangap ng monthly monetary assistance na P500 mula sa city government ng Maynila.

Ang nasabing cash aid ay bahagi ng city's social amelioration program na nagbibigay ng cash allowances sa mga estudyante mula sa city-run colleges. 

Samantala, ang 'Kalinga sa Maynila' ay regular na forum na ginagawa ng alkalde sa mga barangay ng lungsod upang dalhin mismo sa mga residente ang mga serbisyong madalas na hinihingi mula sa City Hall patungo sa pamayanan. 

Dahil dito ay makaka-menos sa oras, pagod at gastos sa transportasyon ang mga residenteng higit na nangangailangan nito.