Ikinagagalak ng isang opisyal ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) ang pagkakahirang kay Teodoro 'Ted' Herbosa, bilang bagong kalihim ng Department of Health (DOH).

Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Health Care vice chairman, Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio, ang pagkakatalaga kay Herbosa ay isang magandang hakbang upang higit na magabayan ang pamamahala sa sektor ng kalusugan sa bansa.

"With the appointment of Sec. Ted Herbosa for the Department of Health, we thank the Lord for this choice because at least, we shall be guided once again in the resolution of the concerns of the Department of Health," ani Bp. Florencio sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Kaugnay nito, umaasa naman si Bp. Florencio na sa pamumuno ni Herbosa sa DOH ay matutugunan at mabibigyang-pansin ang mga usaping pangkalusugan na mahalaga para sa kapakanan ng bawat mamamayan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

"Taking care of the concerns would mean addressing the difficulties that swarm our lives with much ease," aniya. 

Matatandaang halos isang taong nabakante ang posisyon para sa DOH Secretary makaraang magtapos ang termino ni dating Health Secretary Francisco Duque III noong Hunyo 30, 2022.

Ang ahensiya ay pansamantalang pinamunuan ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, bilang Officer-In-Charge (OIC) mula Hulyo 14, 2022 hanggang Hunyo 5, 2023. 

Si Herbosa ang dating undersecretary ng DOH mula 2010 hanggang 2015 na nanguna sa mga programa tulad ng Hospital Accreditation Commission, modernisasyon ng Philippine Orthopedics Center, at pagsusulong ng Public-Private Partnerships sa sektor ng kalusugan.

Nagsilbi rin ang bagong kalihim bilang dating adviser ng National Task Force (NTF) for COVID-19.