Hinamon ni suspended Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves, Jr. na magbitiw na lamang sa puwesto si Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla.

Ito ay kung mabigo si Remulla na patunayang nag-apply si Teves ng citizenship sa Timor-Leste.

Sa video message ni Teves nitong Miyerkules, Hunyo 9, ipinaliwanag ng kongresista na sakaling totoo ang naturang pahayag ni Remulla ay uuwi na ito sa bansa.

"Secretary Boying, seryoso na 'to ha...Hinahamon kita. Nagsabi ka 'di ba na nag-apply ako ng citizenship sa Timor. Ngayon, paano 'pag sinungaling 'yung sinabi mo? Resign ka. Kung totoo, uwi ako," ani Teves.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

"Will you take my challenge? That's my challenge to you, saksi ang buong bansa at ang buong mundo," anang kongresista.

"Hindi ako naka-sleeveless, nag-damit na 'ko nang matino para malaman ng lahat na pormal ito na hamon sa 'yo," pahabol ni Teves.

Matatandaang pinaghihinalaang mastermind si Teves sa pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo sa Pamplona, Negros Oriental nitong Marso 4.

Mula nang magtungo sa Amerika noong Pebrero 28, hindi pa bumabalik sa bansa ang kongresista dahil umano sa banta sa kanyang buhay.

Nitong Mayo 31, pinatawan muli ng 60-day suspension si Teves dahil sa pagiging AWOL (Absent Without Official Leave) sa House of Representatives.

Kamakailan, isinapubliko ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tinanggihan ng Timor-Leste ang kahilingan ni Teves na political asylum.

Ellson Quismorio