Inihayag ng isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr) na posibleng sa unang bahagi ng taong 2024 ay maisapribado na ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

“That is a very tough and tight schedule. We can say that is doable in the first quarter of next year [2024]. It is doable that there will be a conclusion that could possibly be proclaimed by the government,” ayon kay DOTr Undersecretary for Aviation and Airports Roberto Lim, sa isang panayam nitong Miyerkules. 

Dagdag pa niya, “That takes time. If there are more than one participant, we will have to talk to all of them. It will take time." 

Ipinaliwanag din ni Lim na ang pagsasapribado ng NAIA ay magkakaroon ng “upsides” pagdating sa efficiency ng passenger at flight movement.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Aniya, makapagge-generate rin ito ng income o dagdag na kita para sa pamahalaan.

“There is a lot of upside when you upgrade NAIA. You introduce efficiencies. That means you can process more passengers, you can take in more flights, and more revenues—means larger share for the government,” ani Lim.

Kaugnay nito, nilinaw rin ng opisyal ang mga isyu na bumabalot sa privatization ng NAIA, kabilang na rito ang papel ng Manila International Airport Authority (MIAA) at mga empleyado ng airport, sa sandaling maisakatuparan na ito.

Sinabi ng opisyal ng DOTr na ang relasyon sa pagitan ng MIAA at ng concessionaire ay magiging regulator-operator. 

Aniya, ang MIAA ang patuloy na mag-o-operate bilang isang body na siyang magre-regulate at mangangasiwa rito.

Binigyang-diin pa niya na walang mawawalan ng trabaho sa nasabing hakbang.

“Generally no loss of employment. Airport employees will be offered opportunity to work when the airport facilities are privatized," aniya.

Dagdag pa niya, ang lahat ng assets ng paliparan sa NAIA ay mananatiling pagma-may-ari ng gobyerno, at ang tanging magiging papel lamang ng pribadong concessionaire ay limitado sa operations at management role.

Nauna rito, noong Biyernes, nagsumite ang DOTr at ang MIAA ng joint proposal para sa isang NAIA solicited Public Private Partnership (PPP) Project para maaprubahan ng National Economic Development Authority (NEDA) Board.

Magbibigay ito sa private concessionaire ng 15 taon para patakbuhin ang airport at mabawi ang kanilang investment.