Inalmahan ni Christian Merck Grey o "Makagwapo" ang ginawang paninisi sa kaniya ni Marlou/Xander Arizala kung bakit sila naghiwalay ng partner at ina ng kaniyang anak na si Gena Mago.
Sa latest video nga ni Xander, sinabi niyang umalis ang mag-ina sa kaniyang poder dahil sa isyu nila ni Makagwapo tungkol sa cash na ibinigay nito sa kaniya.
“Opisyal na magkahiwalay kami ng asawa ko dahil nga sa nangyaring issue na 'to," ani Xander.
“Dahil sa taong ito, dahil kay Merck Grey (Makagwapo), dahil sa mga isyu na ginawa niya sa'kin, dahil sa mga kung ano-anong pinagsasabi niya sa'kin."
"Masaya ka ba ngayon Christian Merck Grey kasi ganito yung nangyari sa akin? Masaya ka ba dahil nakasira ka ng relasyon? Sobrang depressed ko sa nangyayari sa akin. Dahil dito sa inupload mo... Ibabalik ko naman sayo yung pera, sana dinelete mo na lang yung video..." dagdag pa.
Sa isa pang Facebook post ay tila hindi nagpaawat si Xander na sisihin si Makagwapo sa pinagdaanan nila ni Gena.
"DAHIL SAYO MERCK WALA NA AKO ASAWA AT HINDI (KO NA) MAKASAMA ANG ANAK KO," aniya sa post.
MAKI-BALITA: Xander Arizala at partner na si Gena Mago, hiwalay na raw dahil kay Makagwapo
Hindi naman ito pinalagpas ni Makagwapo at agad na gumawa ng video kontra kay Xander, na mapapanood sa kaniyang YouTube channel. Pinagbantaan din kasi ni Xander si Makagwapo.
“Marlou, iyak dahil iniwan ng asawa! Ako pa sinisi, binantaan pa ako!” titulo ni Makagwapo sa kaniyang vlog.
”Dapat inisip mo yung mga ginawa mo imbis na isisisi mo sa iba… Ganito Marlou, magpatingin ka sa psychiatrist, sagot ko na pati gamot. Ayusin mo muna sarili mo para maayos mo yung ibang bagay,” ani Makagwapo.
”Gusto mo pumunta ulit ako sa bahay mo? Tingnan natin kung masasapak mo nga talaga ako,” banta pa ni Makagwapo.
Aniya, wala na rin siyang balak na ipasauli rito ang perang ibinigay niya dahil para naman daw iyon sa anak nitong si Baby Xeres.