Photo from unsplash
DOH sa Ilocos Region, nagbabala sa dumaraming kaso ng rabies
Binalaan ng Department of Health (DOH) – Ilocos Region ang mga residente laban sa dumaraming kaso ng rabies sa rehiyon.
Sa datos na inilabas ng DOH-Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) nitong Martes, iniulat nito na nakapagtala na sila ng kabuuang 11 kaso ng rabies sa iba't ibang munisipalidad sa rehiyon mula Enero 1 hanggang Mayo 27, 2023.
Sa naturang bilang, limang kaso ang naitala sa lalawigan ng Ilocos Norte, partikular sa mga munisipalidad ng Badoc, Batac City, Nueva Era, Paoay at Sarrat.
Ang tatlong kaso naman sa Pangasinan ay naitala sa Alaminos City, San Quintin at Urbiztondo.
Samantala, dalawang kaso rin ang naitala sa Aringay at San Fernando City sa La Union; at isa sa Sto. Domingo, Ilocos Sur.
Kaugnay nito, hinikayat ni Regional Director Paula Paz. M. Sydiongco ang mga residente na pabakunahan ang kanilang mga alaga laban sa rabies.
“Owners have the responsibility to have their pets immunized against rabies yearly and also to provide other booster shots to keep them healthy and safe from viruses," ani Sydiongco.
“Pusa man o aso ay kailangan nating maipabakuna upang hindi tayo magka-rabies kung tayo ay aksidenteng makagat ng ating mga alagang hayop. Most animal bites happen at home and some are bitten accidentally during playtime with their pets,” dagdag pa niya.
Babala pa ni Sydiongco, “Ang rabies ang isa sa mga pinakadelikadong sakit at mayroon itong 99% case fatality rate, lalo na kung ang isang tao ay nakagat sa “critical areas” gaya ng mukha, braso at hita. It is deadly but 100% preventable through prompt, appropriate medical care and getting an anti-rabies vaccine."
Payo pa ni Sydiongco, sakaling makagat ng hayop, kaagad na hugasan ng sabon at tubig ang sugat at dumiretso na sa pinakamalapit na pagamutan upang mabakunahan at malapatan ng kaukulang lunas.
Iniulat din naman ng DOH-Ilocos Region na nasa kabuuang 17,613 equine rabies immune globulin (ERIG) vials ang ipinamahagi nila sa iba't ibang provincial health offices sa rehiyon kabilang ang Dagupan CHO, Ilocos Training and Regional Medical Center at sa regional office.
Nasa kabuuang 8,592 purified chick embryo cell (PCEC) rin ang ipinamahagi sa mga naturang health facilities.
“Maaari po kayong magpunta sa pinakamalapit na animal bite treatment center (ABTC) sa inyong lugar kung kayo ay nakagat ng aso upang makakuha ng libreng bakuna laban sa rabies," ani Sydiongco.
Babala pa niya, iwasang magpagamot sa mga albularyo gamit ang “Tandok” o pag-aalis ng rabies mula sa sugat sa pamamagitan ng pagsipsip gamit ang sungay ng hayop.
“We have a total of 55 ABTCs strategically located across the region and we are encouraging our local government units to establish more for the benefit of our constituents, especially those residing in GIDAs," ani Sydiongco.
Tiniyak din niya na patuloy na committed ang DOH at regional office upang maiwasan na ang pagkamatay mula sa rabies sa rehiyon pagsapit ng 2027 at maideklara ang Rabies Free Philippines sa 2030.
“There is still no need to panic as these are all isolated cases. We still have to validate the increased reports of cases in some of the provinces to verify if there is a need to declare a health emergency or outbreak," aniya.
“Let us be responsible pet owners and have our dogs and cats vaccinated as it is the most cost-effective measure. We need to achieve at least 70 percent dog rabies vaccination coverage in our region in order to be safe and healthy," dagdag pa niya.
“We need the support of our LGUs and stakeholders and increased health promotion activities, especially in the communities, to provide awareness and educate residents on the importance of rabies awareness,” pagtatapos pa ni Sydiongco.