CBCP, sumuporta sa panawagan ng Santo Papa na itigil ang paggamit at pamumuhunan sa fossil fuel
CBCP, sumuporta sa panawagan ng Santo Papa na itigil ang paggamit at pamumuhunan sa fossil fuel
Nagpahayag ng pagsuporta ang maimpluwensiyang Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) sa panawagan ni Pope Francis na ihinto na ang paggamit at pamumuhunan sa fossil fuel.
Ayon kay CBCP-Stewardship Office chairman, Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo, malaking tulong ang pagsasantabi sa industriya ng fossil fuel upang mabawasan ang polusyon sa kapaligiran.
Tinukoy ng obispo ang pagsusulong sa paggamit ng bisikleta at paglalakad na bukod sa makabubuti para sa kalusugan, ay magandang alternatibo rin sa mga sasakyang gumagamit ng gasolina at naglalabas ng mapanganib na usok.
"Iyan po'y bahagi nga ng ating paninindigan sa environment na bawasan natin ang paggamit ng fossil fuel. Pwede tayong makibahagi rito sa maraming paraan. Sa ating mga sasakyan, baka pwedeng magbisikleta na lang, o kaya'y pwedeng lumakad ng konti. Pwede rin sa ating paggamit ng mga bagay-bagay na bawasan natin upang hindi masyado maging magastos," pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Nabanggit din naman ng obispo ang Pastoral Letter on Ecology ng CBCP na panawagang isantabi ang pamumuhunan sa mga institusyong sumusuporta sa mga industriya tulad ng fossil fuel, coal-fired power plants, at mining companies.
Panawagan ni Bishop Pabillo sa mga korporasyon na ihinto na ang pamumuhunan sa marumi at mapaminsalang industriya.
Sa halip aniya ay higit na paglaanan ng pondo ang mga proyektong may kakakayahan ding makalikha ng salapi nang hindi naisasantabi ang kapakanan ng kalikasan at kalusugan ng mga tao.
Hinikayat din ng opisyal ng CBCP ang bawat mamamayan na tangkilikin lamang ang mga institusyong nagsusulong at namumuhunan para sa malinis na enerhiya.
"I-divest natin ang ating mga pera sa mga kumpanya, sa mga bangko na nagfi-finance nitong mga coal-fired power plant. Mas maglagay tayo ng ating mga pera sa mga lugar, sa mga bangko, sa mga enterprise na nagpo-promote ng green energy, ng renewable energy," saad ni Bishop Pabillo.
Nabatid na sa mensahe ni Pope Francis para sa World Day of Prayer for the Care of Creation 2023, iginiit nito na dapat nang ihinto ang kahibangan umano sa patuloy na pagpapahintulot sa fossil fuel industry dahil sa kaakibat na panganib at pinsala sa tao at kalikasan.
Ginawa rin ito ng Santo Papa bilang panawagan sa mga pinuno ng bansa na dadalo sa United Nations Climate Change Conference of Parties o COP28 Summit na gaganapin sa Dubai mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 12, 2023, na kabilang sa mga pagtutuunan ay ang usapin hinggil sa fossil fuel.