Lalo pang bumulusok at umabot na lamang sa moderate risk na 16.8% ang 7-day positivity rate ng Covid-19 sa National Capital Region (NCR) hanggang noong Hunyo 3.

Sa datos na ibinahagi ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David nitong Lunes, nabatid na ito ay malaking pagbaba mula sa 21.7% na positivity rate na naitala sa rehiyon noong Mayo 27.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“#covid weekly testing positivity rate decreased in NCR from 21.7% on May 27 to 16.8% (moderate) on June 3 2023,” tweet pa ni David.

Aniya pa, bukod sa NCR, bumaba rin at nasa moderate risk na ang positivity rates sa Bulacan (mula 22.1% noong Mayo 27 ay naging 19.9% na lamang noong Hunyo 3); La Union (24.5% - 17.4%); Rizal (30.8% - 18.5%); at Tarlac (21.2% - 15.6%).

Bumaba rin naman ang positivity rates sa karamihan sa mga lalawigan sa Luzon, kabilang ang Batangas (30.9% - 20.5%); Benguet (28.3% - 22.7%); Cagayan (27.6% - 27.2%); Camarines Sur (43.1% - 34.3%); Cavite (33.9% - 26.2%); Laguna (29.0% - 22.5%); Oriental Mindoro (55/6% - 43.2%); Palawagan (29.8% - 29.6%); Quezon (46.2% - 29.8%) at Zambales (24.8% - 21.6%).

Samantala, tumaas naman ang positivity rate sa Isabela (46.4% - 47.9%); Pampanga (26.8% - 27.5%); at Pangasinan (20.9% - 23.2%).

“#covid weekly testing positivity rate decreased in NCR from 21.7% on May 27 to 16.8% (moderate) on June 3 2023. The positivity rates also decreased to moderate in Bulacan, La Union, Rizal, Tarlac. Positivity rates are now decreasing in most of Luzon,” ulat pa ni David.

Samantala, iniulat rin ni David nitong Linggo ng gabi na ang nationwide positivity rate sa Pilipinas ay nasa 18.1% nitong Hunyo 4 mula sa dating 18.6% noong Hunyo 3.

Sinabi pa ni David na hindi niya inaasahang lalampas pa sa 2,000 ang bagong kaso kada araw ng virus dahil pababa na ito sa ngayon.

Maaari pa rin naman aniyang tumaas pa ito ngayong taon ngunit sa kasalukuyan ay nakakakita na sila ng downward trend.

Dagdag pa niya, ang naturang trajectory ay maaaring mabago ng Covid-19 variant na XBB 2.3 Acrux, ngunit hindi pa ito nakikita sa ngayon.

“I don't expect it to exceed 2000. It is already decreasing. It could increase again sometime later in the year but for the moment we should continue on a downward trend. The new XBB 2.3 Acrux could change the trajectory but we shall see,” aniya pa.

Ang positivity rate ay ang porsiyento ng mga pasyenteng nagpopositibo sa Covid-19 mula sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na isinailalim sa pagsusuri.